NILAGDAAN na bilang batas ang pagtatakda ng libreng internet at malinis na pasilidad para sa mga pasahero sa transportation terminals.
Ang Republic Act 11311, na tinatawag ding “An Act to Improve Land and Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest Areas and Roll-on/Roll-off terminals”, ay nilagdaan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang Abril 17.
Magkakabisa ang batas 15 araw makaraang malathala ito sa Official Gazette o sa mga pahayagan.
Ikinagalak naman ni Senadora Grace Poe, principal author at sponsor ng RA11311, ang naturang kaganapan.
Ayon kay Poe, mapapalagay na ang mga biyahero na pagkatapos ng ilang oras sa trapik ay may pahingahan ang mga ito sa transport terminals na may libreng internet at komportableng palikuran.
Binigyang-diin ng senadora na mahigpit na ipatutupad ang nasabing batas para masigurong libre ang internet, magin-hawa ang mga terminal at malin-is ang mga palikuran na lubhang kinakailangan ng mga biyahero.
Gayundin, iginiit ni Poe na dapat ay tuloy-tuloy ang pangangalaga at pagsasaayos ng mga pasilidad sa terminals.
“Nakikilala ang isang lugar sa mga tao nito at sa kanilang kalinisan. Mag-iwan tayo ng magandang impresyon sa mga nagbibiyahe,” diin ni Poe, principal author at sponsor ng RA11311. VICKY CERVALES
Comments are closed.