IPINAHAYAG ng mga kinatawan mula sa sektor ng manggagawa, employer, at pamahalaan ang kanilang pangako na suporta sa pagsusulong ng Joint Memorandum Order No. 1, o ang Omnibus Guidelines in the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties.
Nakabalangkas sa Omnibus Guidelines ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga stakeholder para sa mas maayos na pagpapatupad ng mga estratehiya sa pagtataguyod ng edukasyon sa paggawa at empleyo, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagdinig sa mga kaso, at pagprotekta sa pambansang soberanya at integridad.
Binigyang-diin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido E. Laguesma na pagtitibayin ng dokumento ang pangako ng pamahalaan na itaguyod ang mga prinsipyong nakasaad sa International Labor Organization (ILO) Convention 87, na ginagarantiyahan ang kalayaan ng asosasyon at ang karapatang mag-organisa, gayundin ang ILO Convention 98 na nagtataguyod ng karapatan sa collective bargaining. Idinagdag niya na ang Omnibus Guidelines ay isang pangunahing gawain sa Tripartite Roadmap on Freedom of Association, na naglalayong tugunan ang patuloy na mga isyung inihahain laban sa pamahalaan ng Pilipinas na may kaugnayan sa pagpapatupad ng ILO Convention 87.
“Ang mga alituntunin, samakatuwid, ay isang konkretong pagpapakita ng hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na tugunan ang mga matagal nang isyung ito sa pamamagitan ng pagtataguyod at pagpapahusay ng proteksyon ng mga pangunahing prinsipyo at karapatan sa trabaho at patuloy na pagsasaayos sa pagpapatupad ng bansa ayon sa pandaigdigang pamantayan sa paggawa,” pahayag ni Secretary Laguesma sa ginanap na pambansang seremonya noong 29 Agosto 2024 sa Quezon City.
“Atin nang naipaabot ang Omnibus Guidelines sa 10 rehiyon sa pamamagitan ng Regional Tripartite Industrial Peace Councils, at inaasahang matatapos ito sa susunod na buwan,” ayon pa kay Secretary Laguesma.
Pinalalakas ng pamahalaan ang mga regional tripartite monitoring body upang pangasiwaan ang pagpapatupad ng mga alituntunin sa lokal na antas.
Para isulong ito, hinimok ni Labor Undersecretary Atty. Benedicto Ernesto R. Bitonio, Jr., ang tripartite partners na ipaalam ang mga pamantayan sa loob ng kanilang operating units at isama ang mga ito sa kani-kanilang operating manuals o terms of engagement. Bukod pa rito, isasama rin ang Omnibus Guidelines sa Paralegal Training Program para sa mga lider ng unyon ng manggagawa na isinasagawa ng Kagawaran sa pakikipagtulungan ng University of the Philippines (UP) College of Law at ng UP Law Center.
Nagpahayag din ng mensahe ng suporta ang mga stakeholder mula sa sektor ng manggagawa at employer; kinauukulang ahensiya ng pamahalaan, tulad ng Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, Department of National Defense and Armed Forces of the Philippines, Department of Trade and Industry, Philippine Economic Zone Authority, National Security Council, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, Philippine National Police, the Civil Service Commission, Commission on Human Rights, at development partner—ILO Philippines.
Dumalo rin sa naturang pagtitipon sina Undersecretary Atty. Felipe N. Egargo, Jr. ng Legislative Liaison and Legal Affairs Cluster and General Administration Cluster; Assistant Secretary Atty. Lennard Constantine C. Serrano ng Labor Relations, Policy, and International Affairs Cluster and Regional Operations Cluster; at Executive Director Atty. Maria Teresita D. Lacsamana-Cancio ng National Conciliation and Mediation Board.