FREELANCE WORKERS BILL OK NA SA LABOR PANEL NG KAMARA

APRUBADO  na sa Committee on Labor and Employment ng Kamara ang Freelance Workers Protection bill (HB 2821) na naglalayong bigyan ng ‘legal and contractual protection’ ang mga freelance worker o kontratadong mga manggagawa at gawing higit na magaan at mainam ang kanilang paghahanap-buhay.

Binalangkas ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, layunin ng HB 2821 na isulong at protektahan ang ang mga karapatan at kapakanan ng freelance workers, tiyakin ang makataong kalagayan at wastong bayad sa kanila, at protektahan ang kanilang mga interes kapag ayaw silang bayaran ng kanilang pinaglilingkuran.

Pinagtibay na ng Kamara ang naturang panukalang batas noong 2021 sa ika-18 Kongreso nito ngunit hindi nakumpleto ang pagsasabatas nito. Ayon kay Salceda, sa ilalim ng umiiral na Labor Code, walang probisyon tungkol sa ‘freelancing’ at wala ring legal na panuntunan kaugnay nito, kahit na lampas na sa 1.5 milyon an ang bilang ng mga Pilipinong ‘freelancers’ bago pa nagka-pandemya.

Sa ilalim ng HB 2821, ang ‘freelance’ ay taong “hinirang na magtrabaho at babayaran sa kaniyang gawain, o kaya ay isang malayang kontraktor ng trabaho ayon sa sarili niyang pamamaraan at labas siya sa kontrol ng humirang sa kanya” na maaaring isang korporasyong rehistrado sa SEC, o sariling negosyo ng humirang na rehistrado naman sa DTI.

“Kung ito ay maisasabatas, ang mga ‘freelancers’ ay magkakaroon ng ‘contractual protections and tax amnesty’ para sa sarili nilang sektor at dapat rehistrado din sila sa BIR,” ayon kay Salceda. Sa ilalim nito, ang humirang at ‘freelancer’ ay lalagda sa isang kasunduan na malinaw at madaling unawain, at kapuwa nila pag-iingatan.

Malinaw na isasaad sa kasunduan, dagdag niya, ang gagampanang serbisyo, ang detalye ng bayaran at iba pang kasamang benepisyo, ang tagal ng kontrata, ang mga batayan ng paglabag nito, ang kanilang mga ‘tax identification numbers (TIN),’ at iba pang mga kundisyon na itatalaga ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Kapag naisabatas na ang panukala, ang mga ‘freelancer’ na kailangang personal na italaga sa ibang lokasyon ay dapat tumanggap din ng ‘night shift differential’ para sa trabahong gagampanan nila sa pagitan ng ika-10 ng gabi at ika-6 ng umaga na hindi bababa sa 10% ng bayad sa kanila bawat oras kung walang higit na mataas na ratang nakasaad sa kasunduan.

Para naman sa mga ‘freelancer’ na matatalaga sa sadyang mapanganib na mga destino, gaya ng lugar na may labanan, o nasa ilalim ng ‘state of calamity’ dahil sa hawaan ng sakit, ‘radiation’ at mga katulad nitong panganib, dapat din diumanong bigyan sila ng katumbas na ‘hazard pay’ na hindi bababa sa 25% ng bayad sa kanilang napagkasunduan, dagdag niyang paliwanag.

Batay sa mga probisyon ng bill, maaaring patawan ng ‘civil penalty’ mula P50,000 hanggang P500,000 ang ilegal na mga gawaing labag sa nakasaad sa panukala, kasama ang hindi pagbabayad sa ‘freelancer’ ng sahod niya ng lampas ng 15 araw sa napagkasunduang petsa ng pagpapasahod.

Magiging ilegal din sa mga humihirang ng ‘freelancers’ ang paglabag sa mga isinasaad nito, gaya ng paghain ng reklamo laban sa mga ‘freelancer’ na tumutulong at nagbibigay ng mga impormasyon sa DOLE kaugnay sa ‘mediation’ o ‘conciliation agreement’ at sa mga imbestigasyon ng ahensiya kaugnay sa ‘freelancing’ at ang mga mapatunayang lumabag nito at hindi pagbayad sa ‘freelancer’ ng sahod niya ng lampas ng 15 araw sa napagkasunduang petsa ng pagpapasahod ay maaaring pagmultahin ng halangang mula sa P50,000 hanggang P500,000. Iniaatas din sa ilalim ng panukala na ang ‘freelancers’ ay dapat magparehistro sa BIR at magbayad ng kanilang taunang buwis.

“Sa ating panahon ng ‘millennialism, inter-connectivity, instantaneous global communication’ at malikhaing pagnenegosyo sa pamamagitan ng ‘internet,’ maaasahan nating lalong lolobo ang bilang ng mga ‘freelancer’ na hindi na kailangang pumasok at gawin na lamang ang trabaho nila kung saan sila nandoon,” ayon kay Salceda.
“Laganap na ang ‘freelancing’ at milyon-milyong mga Pilipino na ang kabilang dito, lalo na yung mga nawalan ng regular na trabaho dahil sa pandemya at dahil sa sumusulong na ‘digitalilization’ ng ekonomiya, lalo pa itong lalawak. Kung wala silang proteksiyong legal, maaasahan din natin ang paglaganap ng pagsasamantala sa mga manggagawa,” dagdag niya.

Sinabi ng mambabatas na ang ‘freelancing’ ay bunga rin ng pagsulong ng teknolohiya patungo sa ‘digital transformation’ ng mga gawain. “Ang ‘freelancers’ ay magiging mga ‘work-from-home OFWs (overseas Filipino workers)’ sa hinaharap at dahil sa nagiging ‘digitally connected’ na ang mundo, milyon-milyong Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong kumita ng dolyar at salapi ng ibang bansa, kahit nananatili sila sa Pilipinas, kasama ang kanilang mga pamilya.”