PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na maglilibre sa mga bagong graduate sa mga bayarin sa mga dokumento na kailangan para sa trabaho.
Sa inaprubahang House Bill 172, inaatasan ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, kasama ang government-owned and -controlled corporations (GOCCs) at local government units (LGUs), na huwag mangolekta ng fees o iba pang charges sa mga bagong graduate na naghahanap ng trabaho.
Kinakailangan lamang na magsumite ng kopya ng diploma o certification ang bagong graduate at dapat ay malinaw ang petsa nito bago mapayagan na mai-wave ang pagbabayad.
May bisa ang waiver sa loob ng isang taon makaraang makapagtapos sa high school, kolehiyo o kahit anong vocational at technical course.
Hindi naman kasama sa naka-waive ang kinokolektang bayad para sa aplikasyon sa pagkuha ng professional licensure examination ng Professional Regulatory Commission at ng pasaporte.
Sa ilalim din ng panukala, ang sinuman na mapatutunayan na pineke ang dokumento ng graduation ay makakasuhan at maparurusahan sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code. CONDE BATAC
Comments are closed.