LUBOS na ikinatuwa ni House Appropriations Committee Chair Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ ang pagsertipika bilang urgent sa Security of Tenure Bill, kasabay ng pahayag na ang pagsasabatas sa nasabing panukala ay pakikinabangan ng mahigit sa 40 milyong mga obrero, maging ng mga estudyanteng magtatapos sa kolehiyo at nakatakdang maghanap ng trabaho.
Sa kanyang liham kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na may petsang Setyembre 21, 2018, sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang urgent ang Security of Tenure Bill at sinabi na ang pagpasa sa naturang panukalang batas ay magpapatibay sa seguridad sa paninilbihan o security of tenure ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbabawal sa pamamayagpag ng kontraktuwalisasyon at labor-only contracting.
“Nakadambana sa ating Saligang Batas ang pangangalaga sa ating mga manggagawa. Ayon sa Article XIII, Section 3 ng Konstitusyon, dapat magkaloob ang estado ng lubos na proteksiyon sa paggawa, sa lokal at sa ibayong dagat, organisado at ‘di organisado, at dapat itaguyod ang puspusang hanapbuhay at pantay na pagkakataon sa trabaho para sa lahat,” ayon sa abogadong mambabatas na nagtapos sa Ateneo School of Law.
“Bagama’t nakapailalim na ito sa Labor Code at ipinatutupad sa ilalim ng probisyong ito, may mga malalabong bahagi ang Labor Code na pinagsasamantalahan ng mga employer; ito ang lilinawin at tutuldukang problema ng Security of Tenure Bill,” dagdag pa ni Nograles.
Tinatayang nasa 30 porsiyento ng lahat ng manggagawang Filipino ay hindi regular ang trabaho, at kalahati sa bilang na ito ay contractual.
Ang mga bagong magtatapos sa kolehiyo, ayon kay Nograles, ay dapat mailabas sa ganitong kalagayan sa pamamasukan.
“Ang ating mga kabataan ay nag-aral ng 16, 17 taon upang makakuha ng degree sa kolehiyo sa pag-asang madaling makakita ng pagkakakitaan o trabaho. Matapos ang kanilang pagsisikap, ‘di makatarungan at masakit naman kung ang trabahong naghihintay para sa kanila ay puro 5-5-5,” daing ng mambabatas mula Davao.
Ang ‘5-5-5’ ay popular na kataga sa gawain ng mga employer ng pag-empleyo sa mga manggagawa sa ilalim ng isang limang buwang kontrata, ku-lang ng isang buwan para maging anim na buwan na pipilit sa mga employer na gawing regular ang panunungkulan ng mga manggagawa.
Ang bagong panukalang batas ay magbabawal sa ‘labor-only contracting’ at nagsasaad ng mga kaparusahan para sa paglabag sa mga probisyon nito. Nililimitahan din nito ang pangongontrata sa mga lisensiyado at mga empleyadong may espesyal na serbisyo o kakayahan, isinasakategorya rin nito ang panunungkulan ng mga manggagawa bilang ‘regular’ at ‘probationary’, at itinuturing ang mga project-based at seasonal employee bilang regular employees.
Bukod sa pagbibigay ng kaseguruhan sa panunungkulan, inilalatag din ng panukalang ito ang isang pamantayan hinggil sa ‘probationary employment’ at nagbibigay ng ‘Transition Support Program’ para sa mga empleyado habang sila ay walang pinapasukan.
Comments are closed.