From fashion design to interior design: TULOY ANG PAMANA NG LUMIPAS

Nagmula sa kinikilalang pamilya ang bagong sumisikat na interior designer na si Ro­berto Antonio Valera, dahil apo siya ng National Artist for Fashion Design na si Ramon Valera.

National Artist for Fashion Design na si Ramon Valera

Gusto sana niyang ituloy ang pamana ng kanyang lolo, ngunit iba pala ang kanyang talento — ang paggawa ng aparador.

Namana naman uma­no ni Valera ang pagkametikuloso ng kanyang lolo sa mga detalye. Yun nga lang, hindi sa damit kundi sa woodwork.

“Si lolo mismo ang nagtatabas ng tela, at bina­bantayan niya ang pagtahi, burda, pati bottles at zipper. Siya lahat. Ganu’n din sa akin sa interior design. From the start, ako ang magde-design, ako ang magdro-drawing, ako ang sa hardware. Sa assembly and installation, andu’n din ako,” aniya.

Ito umano ang selling point ng mga cabinet ni Roberto, ang intricacy ng kanyang design. Wala umanong problema sa mga kliyenteng metikuloso dahil mas metikuloso si Roberto.

Bata pa lang, alam na raw ni Valera na mahilig siya sa interior decoration. Siya yung mahilig at matiyagang magbago-bago ng pwesto ng mga furniture, at kasama ng kanyang ina sa pagbili ng sofa.

Pero nang magpa­alam siyang mag-aaral ng interior design, sabi raw ng kanyang ama, ‘Naku, Onie, mahirap ‘yan, puyatan ‘yan.’

Kaya kumuha na lang siya ng Industrial Engineering. Pero nag-shift din din siya after two years. Dahil nagkaroon siya ng konting background sa mathematics at design, nagkaroon na siya ng idea.

Matapos gumrad­weyt ng Interior Design, nag-Masters naman siya sa US. Nang umuwi sa Pilipinas, itinatag niya ang Vast Solutions. Noong pandemic, nagpagawa ng cabinet ang kanyang ina. Ibinuhos niya dito ang kanyang crea­tivity, at doon na nagsimula ang kanyang negosyo.

Gamit ang kanyang mga natutuhan at ang minanang talento sa kanyang lolo, tuloy pa rin ang pamamayagpag ng apel­yidong Valera.

JAYZL VILLAFANIA NEBRE