FROM RAGS TO RICHES: SOCORRO RAMOS, REYNA NG LIBRO

ISINILANG  si Maria Socorro Cancio Ramos noong 23 September 1923. Isa siyang Pinoy na negosyante. Siya ang nagtatag ng National Book Store, ang pinakamalaking bookstore chain sa Pilipinas, kasosyo ang kanyang asawang si Jose Ramos.

Nagsimula ang pakikipagsapalaran ni Nanay Coring sa publishing and retail bilang salesgirl sa isang tindahan ng libro. Sa halagang PHP200, siya at ang kanyang asawang si Jose ay nagtayo ng negosyo sa Escolta – isang sari-sari store na may paninda ring libro at school supplies. Hindi pa National Book Store ang pangalan ng tindahan noon.

Nineteen years old pa lamang si Nanay Coring at kailangang manatili sa bahay upang mag-alaga ng mga anak, kaya tindahan ang naisipan niyang negosyo. At dahil mas sanay siya sa mga libro, libro at school supplies para sa mga bata ang naisipan niyang itinda.

Maayos na sana ang takbo ng negosyo, ngunit sa kasamaang palad, sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nagpatupad ng censorship ang mga Hapon sa mga aklat at publikasyon nang mga panahong iyon – kung saan nakasama ang negosyo nilang mag-asawa na bahagya pa lamang umaangat. Dahil dito, pansamantalang nasara ang bookstore at nagtinda na lamang silang mag-asawa ng sabon at kandila.

Nang matapos ang digmaan, nagpatayo ang pamilya Ramos ng nine-story structure sa Avenida dahil muli silang kumite sa pagtitinda ng libro. Hindi pa nila kayang kumuha ng mga makakatulong kaya silang mag-asawa at ang kanilang mga anak ang hali-haliling nagbabantay sa tindahan. Masasabing hands-on talaga sila sa pagpapatakbo ng negosyo, at kahit ang kasalukuyang logo ay si Socorro mismo ang nakaisip at gumawa.

Sa kasalukuyan ay may mahigit 3,000 empleyado na ngayon ang National Book Store. Sa gulang na 100 noong isang taon, may yaman na si Socorro Ramos na aabot sa USD 3.1 billion, kaya maituturing na isa siya sa pinakamayamang Filipino sa bansa.

Nagbunga ang pagpupunyagi ni Socorro at nakilala ang National Book Store nang ibaba ang batas na Presidential Decree 285 kung saan pinayagan na ang local reprinting ng mga aklat na ginagamit ng mga mag-aaral sa kolehiyo.

Dahil dito, nakapagbenta ang National Book Store ng mga aklat sa murang halaga.

Sa kabila ng lahat ng yaman at parangal na nakamit ni Socorro, nanatili siyang mapagkumbaba at matulungin sa kapwa. Lagi siyang bukas sa pagbabago, dahil naniniwala siyang hindi dapat maging stagnant ang negosyo. Para sa kanya, hindi masamang magsimula sa maliit na puhunan dahil siya mismo ay nagsimula sa napakaliit na tindahan.

Nagpapasalamat siya sa kanyang asawa at sa kanyang bayaw na siya raw nagturo sa kanya ng tamang pagpapatakbo ng negosyo.

Ngayon ay 78 taon na ang National Bookstore, ngunit ipinagmamalaki nilang patuloy pa rin sila sa paglaki sa tulong ng napakarami nilang empleyadong nagsusumikap upang makapagbigay ng mahusay na serbisyo. Lagi umano niyang ipinaaalala sa lahat na siya mismo ay nagsimula bilang saleslady sa isang bookstore, kaya may dangal sa kahit anong trabaho, gaano man ito kababa sa paningin ng iba.

Kung tutuusin, napakalaki ng kontribusyon ng pamilya Ramos sa ekonomiya ng Pilipinas. Nang itatag ang National Bookstore noong 1940 bilang maliit na general merchandise store, wala pa itong empleyado kundi silang dalawa lamang. Ngayon ay marami na itong branches sa mahigit 100 locations, at mahigit ring 3000 empleyado. Hindi rin sila nakalilimot na tumulong sa mga underprivileged children bilang pasasalamat sa kanilang tinatamasa sa ngayon.

Kahanga-hanga ang katatagan ni Socorro Ramos sa gitna ng pagsubok. Ilang ulit nalugmuk ang kanyang negosyo ngunit paulit-ulit niya itong itinayo. Ayon kay Nanay Coring, Nanay Coring, “Hindi lahat ng bagay ay nakukuha ng madali. Ngunit kailangang tuparin ang pangarap. Kung mayroon kang gustong makuha at marating, magpursigi ka at huwag susuko hanggang sa makuha mo ang gusto mo.”

Sipag at tiyaga talaga ang susi ng tagumpay. NLVN