BINIGYAN-DIIN ni House Deputy Minority Leader at Buhay party-list Rep. Lito Atienza na makabubuting tanggapin ang pagkakamali sa isang batas, na susundan ng kaukulang pag-amyenda o tuluyang pagpapawalang-bisa rito kaysa magkaroon pa ng malaking pinsala, lalo na kung mailalagay nito sa peligro ang buhay ng nakararami.
Ginawa ng party-list lawmaker ang pahayag kasabay ng paggiit niya na bawiin ang nakatakdang pagpapatupad ng bagong apruba na Republic Act 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act, na mas popular sa bansag na “Doble Plaka Law.”
“It is better to accept errors in the law and repealing the same rather than causing permanent damage and even lives lost on the part of the motorcyclists. Obviously, the law has fundamental defects and the sooner it is adjusted to international norms and standards on safety, the better for all.” ang pahayag ni Atienza.
Ayon sa House deputy minority leader, ang mga motorsiklo ay idinesenyo para sa “speed and maneuverability” kaya kung lalagyan ito ng malaking metal plates o registration plate partikular sa harapang bahagi ay magiging sagabal ito.
Pinuna rin ni Atienza ang pagkakaroon ng dalawang plaka sa mga motorsiklo sa kabila ng malaking kabiguan ng Land Transportation Office (LTO) na isyuhan ng plaka ang maraming sasakyan kabilang ang mga motorsiklo sa kabila nang ilang taon na silang nakapagparehistro at nagbayad para dito.
Hindi naman sang-ayon si Atienza sa layunin umano ng ‘Doble-Plaka’ na maging bahagi ng crime prevention program partikular sa mga sangkot sa ‘riding-in-tandem’.
Giit niya, ang tunay na solusyon laban sa kriminalidad ay nasa epektibong pagtugon ng mga alagad ng batas laban sa mga gumagawa ng iba’t-ibang uri ng krimen. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.