CAMP AGUINALDO – KINUMPIRMA ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo na natanggap na ng European Union (EU) ang mga ebidensyang kanilang ipinadala na magpapatunay na ang ilang non-government organization (NGO) na pinapadalhan ng pondo ng nasabing organisasyon ay front organization ng Communist Party of the Philippine New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay Arevalo, kukuha ang European Union ng third party firm para lamang i-audit ang lahat ng pondong kanilang ibinigay sa mga NGO na umano’y may link sa CPP-NPA.
Maging ang Belgium aniya ay magsasagawa na rin ng imbestigasyon upang matukoy kung lahat ng strict legal requirements ay nasusunod sa pagbibigay ng donasyon.
Tiwala ang AFP na kakatigan ng mga imbestigasyon ng EU at Belgium ang kanilang mga ebidensiya laban sa mga front organization ng CPP NPA upang tuluyan nang mahinto ang donasyong ibinibigay sa mga ito.
Ilan sa mga NGO na tinukoy ng militar na front organization ng CPP-NPA ay Ibon Foundation, Rural Missionaries of the Philippines, Anakbayan.
Ilang taon na aniyang ginagamit ng mga NGO na ito ang pondo mula sa european union para sa kanilang terrorist movement. REA SARMIENTO