NAGING matumal ang benta ng frozen na isda at seafood sa pamilihan ng Parañaque City dahil sa napabalitang nilalagyan umano ng formalin ang iniaangkat na galunggong mula China. Hindi lamang frozen na galunggong ang mabibili sa Bulungan Seafood Market kundi maging frozen salmon, pusit at tamban.
Ayon sa mga tindera sa nasabing pamilihan, matagal na silang nagtitinda ng mga frozen na isda na karamihan ay mula pa sa China at sa Navotas fishport nila ito kinukuha.
Kuwento ng ilang tindera sa Bulungan Seafood Market, pambawi umano nila ang pagbebenta ng frozen na isda lalo na sa panahon ng tag-ulan na mabagal ang suplay ng sariwang isda. Mas mabilis din umanong maubos ang frozen dahil mas mura ito kumpara sa sariwang isda.
Ngunit, dahil sa banta ng formalin sa mga ini-import na frozen galunggong, naapektuhan ang kanilang benta.
Sa loob ng nakaraang isang buwan, mula P30 hanggang P40 umano ang pagitan ng itinaas na presyo ng sariwang isda.
Ang sariwang salmon ay tinatayang nasa P100 hanggang P120 kada kilo. Samantalang ang frozen salmon ay nagkakahalaga lang ng P80 kada kilo.
Naglalaro naman ang presyo ng sariwang galunggong sa P140 hanggang P150 kada kilo. Ngunit kapag frozen, mas mura ito at mabibili lang sa halagang P120.
Mas mura naman ng P10 ang frozen tamban. Kung ang sariwang tamban ay P80, P70 per kilo lang kapag frozen.
Ang sariwang pusit naman ay nagkakahalaga ng P300 kada kilo at P200 naman ang kilo ng frozen.
Samantala, patuloy na imo-monitor ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga galunggong na ibinebenta sa pamilihan kahit na negatibo sa formalin.
“BFAR will continue to remain vigilant in ensuring all fish commodities sold in markets, either locally sourced or imported, are safe and free from any harmful substance,” ani BFAR Director Eduardo Gongona.
Comments are closed.