(ni KAT MONDRES)
ANG MARAMI sa atin ay handang-handa na sa pagsapit ng Pasko. Ang sarap nga namang mamasyal kapag ganitong mga panahon kasa-ma ang pamilya at mga kaibigan. Ang iba rin, ito ang ginagawang bonding para makasama ang kani-kanilang mahal sa buhay. Saman-talang ang iba naman ay nagpapahinga sa ganitong mga panahon.
Puwede nga naman nating gawin ang lahat ng maibigan natin kapag holiday. Ang ibang pamilya, pinaghahandaan ang ganitong okasyon. Bukod sa pinagaganda nila ang kanilang tahanan ay namimili rin sila ng iba’t ibang regalo para sa buong pamilya at mga taong naging malapit sa kanila.
Ang ibang pamilya naman, ngayon pa lang ay nagsisimula na ang reunion o pagsasama-sama ng pamilya.
Marami sa atin ang bumibili ng panregalo kapag Pasko. Hindi nga naman nawawala ang pagbibigay ng regalo—maliit man o malaking regalo. Ang Pasko rin ang panahong pinakaaabangan ng mga bata dahil alam nilang makatatanggap sila ng katangi-tanging regalo.
Ngunit bukod sa pagbili ng regalo na para sa marami ay mas madali, mayroon din namang mas pinipili ang homemade gifts o do-it-yourself gift. Mas masarap nga naman kasing magbigay ng regalo kung alam mong pinaghihirapan mo.
Maraming puwedeng iregalo sa panahon ngayon na magugustuhan ng makatatanggap. Ngayon pa lang, marami na ang nagtutungo sa mall upang mamili. Ngunit hindi lamang ang pagbili ng regalo ang puwede nating subukan dahil puwedeng-puwede rin tayong gumawa ng sarili nating regalo. At kung nag-iisip nang maaaring i-bake, subukan ang Fruit Cake.
Ang fruit cake ay madali lamang lutuin at gawa ito sa dried fruits, nuts at spices. Maaari ka ring gumawa ng sarili mong bersiyon ng fruit cake. Kumbaga, kung anong prutas ang gusto mong gawing sangkap sa lulutuin ay puwedeng-puwede.
Sa mga gustong subukan ang Fruit Cake, ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang:
1 kilo ng hinalong prutas
700 ml na chocolate milk
2 baso ng self raising flour o harina
Paraan ng Pagluluto:
Matapos na maihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap ay ibabad ng buong gabi ang mga pinaghalong prutas sa chocolate milk. Ilagay ito sa loob ng ref.
Kinabukasan ay ihanda ang oven at painitin ito ng 150 degrees C.
Gumawa ng 25cm na parisukat na linya sa ilalim at gilid ng baking paper o foil na mayroong 5cm lining sa bawat gilid nito. Lagyan ng cooking spray ang baking paper o foil. Idagdag ang harina sa ibinabad na mga prutas, paghaluin ng dahan-dahan.
Pagkatapos haluin ay idagdag ito sa hinandang cake tin at i-bake sa loob ng 1½ to 2 oras.
Pagkatapos ng 1½ hours, ipasok ang skewer o cake tester sa gitna ng cake at kapag lumabas itong malinis ay puwede nang ilabas sa oven.
Hayaan munang lumamig ang cake tin.
Maliban sa hamon, ang paggawa ng fruit cake ay isa na rin sa mga simbolo ng lutuing pampasko. Madaling gawin, swak na sa bulsa at puwedeng-puwede pang ipanregalo.
Masuntansiya rin ito dahil sa mga prutas na sangkap at nagbibigay kulay sa nalalapit na Kapaskuhan.
Marami rin namang itinitindang fruit cake sa tindahan pero hindi ba’t mapasasarap pa nating lalo ang isang lutuin kung tayo na mismo ang gumawa nito. Kaya ano pang hinihintay ninyo, gumawa na ng Fruit Cake. (photos mula sa elmundoeats, eviltwin.kitchen, thespruceeats.com)
Comments are closed.