FRUIT KIOSK PARA SA VENDORS SA MGA KALSADA IPINAMAHAGI

RIZAL- NAGPASALAMAT ang ilang street vendors sa kakaibang aksyon na ginawa ng lokal na pamahalaan ng Cainta sa pamamagitan ng kanilang municipal administrator at dating alkalde na si Keith Nieto.

Sa halip kasi na palayasin o ipagtabuyan at kumpiskahin ang mga trisikad na may lamang mga prutas, binigyan o ipahihiramin sila ng lokal na pamahalaan ng pasadya o customized na fruit kiosk.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na kapag may isinasagawang clearing operations ang Metro Manila Development Authority (MMDA) o kaya’y ang mga lokal na pamahalaan na karaniwan nang kinukumpiska ang mga kariton, trisikad o minivan na ginagamit ng mga vendor.

Bukod sa pangungumpiska, ipinagtatabuyan pa ng mga ito ang mga kawawang fruit stand vendor at iba pang nagtitinda dahil sa nakakaabala ang mga ito sa daloy ng trapiko at walang madaanan ang mga tao sa pedestrian lane.

Sa Facebook post ni Nieto, sinabi nito na nadaanan nila ang isang tumpok ng mga vendor sa overpass ng Karangalan at Vista Verde na nakakalat sa nasabing area kung saan nasa lapag lang ang mga paninda at nakalupasay sa bangketa ang mga vendor para maghanap-buhay kaya kailangan niyang gumawa ng aksyon .

“Nakita ko kasi ang kondisyon nila na magulo, tapos walang direksyon at walang kasiguruhan kung papaalisin sila o mawawala sa lugar tapos, at the same time alam ko na nandun sila kasi kailangan nilang mabuhay at kailangan nilang magtrabaho,” ang pahayag ng administrador.

“Naghahanap tayo ng compromise agreement o compromise settlement na yong situwasyon [ay] magiging win-win para sa magkabilang partido, sa gobyerno tsaka yong naghanap-buhay,” dagdag pa ni Nieto.

Ayon pa sa dating alkalde, nakuha niya ang ganitong ideya nang siya ay bumiyahe sa ibang bansa, partikular na sa South Korea kung saan nakita niya na ang mga side walk vendors doon ay may kahalintulad na stalls.

Kinunan niya umano ito ng litrato at sinabing ia-adopt ang nasabing paraan upang maging legal na rin ang kanilang pagtitinda ngunit hindi nakakaabala.

Ngunit binigyang-diin ni Nieto na depende sa situwasyon ang pagpapahiram na mga kiosk.

Aniya, kung masyado namang masikip ang kalsada at makakaabala o wala namang pupuntang mga mamimili sa isang partikular na lugar ay hindi angkop ang nasabing proyekto.
ELMA MORALES