Photos from MC Events/ Facebook
TRENDING ngayon sa social media ang istorya ng bagong kasal na sina Niño Basco at Yanna Ferrera matapos gawing giveaway sa kanilang kasal ang mga gulay at prutas.
Ayon kay Niño, nais nilang mapakinabangan ng kanilang guests ang giveaways kaya naisip nila ang ganitong idea.
“A year ago before wedding po nag-iisip po kami ng wife ko ng souvenir for guests. Then one time, magkakasama kami ng pinsan ko at ni wife, naisip po namin na bakit ’di na lang yun mga tanim ko na gulay. Ayaw po kasi namin ng giveaways na itatambak lang sa bahay, naisip po namin mas ok po yung mapapakinabangan.”
“Nag-oorganize po kasi kami ng Free Store sa Church, so du’n po galing yung idea. May isang booth sa wedding kung saan pwede ka mag-shopping at libre lahat yun makukuha mo,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Niño, karamihan sa kanilang wedding giveaways ay sarili nilang tanim.
“Nagtanim po ako 3-5 months before para ma-sure na sakto sa wedding may harvest, though ’di lahat ng napamigay po ay harvest ko kasi di umabot ang bunga ng iba, pero karamihan po ay galing sa tanim ko” natutuwang kwento nito.
“Tuwang-tuwa po yung mga guests and talagang super enjoy po sila. Then kinabukasan nag-mesage sila na inulam na po nila yun nakuha nilang gulay sa wedding” wika pa niya.
RUBEN FUENTES