PINAG-AARALAN ngayon ng Department of Energy (DOE) ang pagpapalawig sa pagbibigay ng fuel discounts sa mga pampublikong sasakyan.
Nais tulungan ng DOE ang mga apektadong driver ng public utility vehicle (PUV) sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na nakaaapekto rin sa kanilang kinikita sa pamamasada.
Sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na sinisilip nila ang posibleng pag-angkat ng mas murang petrolyo mula sa mga kalapit na bansa.
Ang malaking bahagi ng petrolyo na ginagamit sa bansa ay imported kaya walang magawa ang gobyerno sa paggalaw nito sa pandaigdigang pamilihan.
Nanawagan si Cusi sa lahat na maging matipid sa konsumo ng gasolina.
Matatandaang pinagkalooban na ng tulong ang mga jeepney driver sa pamamagitan ng Pantawid Pasada program nitong Agosto.
Ipinamahagi na ng LTFRB ang Pantawid Pasada Fuel Cards.
Mahigit 179,000 fuel cards na ang naipamahagi simula pa noong Hulyo.