FUEL EXCISE TAX SUSPENSION IGINIIT

Erick Balane Finance Insider

BAGAMA’T may mabigat na dahilan para suspindehin ang pagpapataw ng excise tax at value added tax sa mga produktong petrolyo ay hindi ito agad magawa ng pamahalaan dahil ang desisyon  ay nakasalalay kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Hirap magbitiw ng desisyon sina Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua at Bureau of Internal Revenue Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay na basta na lamang ipatupad ang suspensiyon ng pagpapataw ng excise tax at VAT sa langis sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo nito dahil maaari anilang magresulta ito sa biglang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.

“May mga katulad na krisis sa nakaraan tulad ng sa Gulf War noong 1990, ang biglaang pagtaas ng presyo ng langis noong 2008, gayundin ang unang salungatan ng Russia-Ukraine noong 2014, subalit lahat ng krisis na ito ay nalampasan natin sa mahusay na pamamaraan,” sabi ni Secretary Dominguez.

Sa halip na suspindehin ang VAT at excise taxes, pinadodoble na lamang ni Secretary Chua ang fuel subsidy sa public utility vehicle drivers at operators, mula sa P2.5 bilyon ay gawing P5 bilyon upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo. Itataas din ang fuel voucher para sa mga agricultural producer mula P500 milyon hanggang P1.1 bilyon.

Ang pagdoble ng subsidiya ay sinang-ayunan ng economic team ng pamahalaan sa halip na suspendihin ang VAT at excise tax na magreresulta umano sa pagkawala ng bilyon-bilyong kita sa gobyerno.

Paliwanag ni Secretary Chua, dapat ding dagdagan ang oil buffer stock ng bansa mula sa kasalukuyang 30 sa 45 araw, gayundin ang buffer stock ng liquefied petroleum gas mula 7 araw hanggang 15 araw,  ngunit mangangailangan, aniya, ito ng bagong batas para maipatupad.

Sa panig ng BIR, maaaring magresulta sa pagbagsak ng tax collections ng Kawanihan ang pagsuspinde sa excise tax at VAT sa petrolyo.

Tanging ang BIR at Bureau of Customs (BOC) ang inaasahan sa paglikom ng pondo para sa pangangailangan sa  mga proyekto ng gobyerno.

Upang matugunan ang tumataas na presyo ng petrolyo dahil sa krisis sa pagitan ng Russia at ng Ukraine, kinokonsidera ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang pansamantalang pagsuspinde ng buwis sa mga piling produktong petrolyo na magreresulta ng pagkawala ng P98 bilyong  revenues.

Sinabi ni Salceda na kailangang magpatawag si Presidente Duterte ng special session bago ang Marso 15 para harapin ang krisis sa langis at inflation na malamang tumalon sa itaas ng target.

Wala pang desisyon ukol dito si Pangulong Dutrerte, subalit sinabi ni vice presidential candidate at Senate President Tito Sotto, gayundin ang liderato ng Kongreso, na handa silang bumalik sa sesyon at iwanan pansamantala ang political campaign para makagawa ng batas sa posibilidad ng suspensiyon ng VAT at excise tax.

Ani Salceda, kailangan nilang kagyat na kumilos upang maiwasan ang ‘domino effect’ ng patuloy na oil price increase sa mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Marvin Lim, presidente ng  Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP), kung magpapatuloy ang pagtaas ng langis ay hindi maiiwasang sumirit din ang presyo ng canned goods dahil mula pa sa ibang bansa ang raw materials na ginagamit sa paggawa ng naturang mga produkto.

Nagpahiwatig na rin ang Manila Electric Company (Meralco) at dalawang water concessionaires na posibleng magkaroon ng epekto sa kanilang singil ang tumataas na presyo ng langis.

Gayunman, paniwala ng mga ekonomista, ito ay  pansamantala lamang at babalik din sa normal ang sitwasyon.

Malawakan naman ang kampanya ng  BIR at BOC sa pagpapaibayo ng pagkolekta ng buwis upang matugunan ang lahat ng gastusin ng Duterte administration.

vvv

Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].