INIHAYAG ni Finance Secretary Carlos Dominguez na inaasahan ng mga awtoridad ang pagtaas ng smuggling ng oil products kasunod ng pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law noong 2018.
Sa ilalim ng Republic Act 10963, kilala sa TRAIN Law, ang excise tax sa diesel at bunker fuel ay PHP2.50 kada litro noong 2018, PHP4.50 ngayong taon at PHP6 sa 2020.
Ang excise tax sa gasolina ay tumaas mula sa P4.35 kada litro hanggang PHP7 nang 2018 at PHP9 ngayong taon. Sa 2020, ang excise tax sa gasolina ay magiging P10 kada litro.
Sinabi ni Dominguez na ang nakikitang pagtaas sa oil smuggling na resulta ng pagtaas ng excise tax hike ay siyang rason sa likod ng fuel marking program, na ipatutupad sa pagtatapos ng taon ng 2019.
“Fuel marking is designed to help address this issue,” aniya.
Ipinaliwanag ng Finance chief na kasunod ng anunsiyo ng pagpapatupad ng fuel marking program, “we noted a steady increase in collections among the ports where petroleum products are regularly imported.
“This is a strong indicator of increased compliance. Those who skirted required declarations and payment of taxes in the past are now following the law,” dagdag pa niya.
Nauna rito, sinabi ni Dominguez na mayroong 95 porsiyento ng lahat ng oil marking sites na patatakbuhin bago matapos ang 2019 at ang programa ay inaasahang makadagdag sa kita ng gobyerno ng kahit PHP5 billion ngayong taon.
Ini-award ng gobyerno ang fuel-marking contract sa Switzerland-based security ink technology provider na Société Industrielle et Commerciale de Produits Alimentaires (SICPA).
Sa ilalim ng plano, magbabayad ang gobyerno ng PHP0.6884 kada litro fuel marking fee para sa unang taon ng pagpapatupad habang ang mga kompanya ng langis ay magbabayad para sa pangalawa hanggang pang-limang taon ng pagpapatupad nito.
Ang fuel marking fee ay bukod sa duties at taxes na kokolektahin mula sa mga kompanya ng langis ng BIR at ng BOC. PNA
Comments are closed.