FUEL MASTERS, BOLTS AGAWAN SA HULING SEMIS BERTH

TINANGKA ni Aaton Black ng Meralco na lusutan ang depensa ni Tyler Tio ng Phoenix sa kanilang laro sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals noong ­Miyerkoles sa Philsports Arena. Nagwagi ang Bolts sa triple overtime, 116-107, upang ipuwersa ang rubber match. Kuha ni RUDY ESPERAS

Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)

6:15 p.m. – Meralco vs Phoenix

TARGET ng Phoenix Super LPG Fuel Masters  ang unang semis stint sa loob ng tatlong seasons habang sisikapin ng Meralco Bolts na maisaayos ang isa pang Final Four duel  sa pagitan ng SMC at MVP Group teams.

Ang post-PBA Commissioner’s Cup quarterfinals fates ng Fuel Masters at Bolts ay madedesisyunan sa paghaharap ng dalawang koponan sa do-or-die game ngayong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nakatakda ang laro sa alas-6:15 ng gabi.

Ipinuwersa ni coach Luigi Trillo at ng kanyang tropa ang rubber match laban kay coach Jamike Jarin at sa kanyang mga bataan kasunod ng 116-107 panalo sa marathon triple-overtime contest noong Miyekoles sa PhilSports Arena sa Pasig.

Nasayang ng Fuel Masters ang komportableng kalamangan at sa huli ay natalo, at kailangang malusutan ang  KO match upang kunin ang unang semis appearance magmula noong 2020 PBA Philippine Cup sa ilalim ni coach Louie Alas.

Kung hindi ay maseselyuhan ang isa pang semis party ng mga koponan mula sa giant conglomerates ng liga.

Sa huling dalawang seasons, naputol ito ng isang beses lamang nang makapasok ang Bay Area Dragons sa 2023 Commissioner’s Cup Final Four at dumiretso sa finals laban sa Barangay Ginebra Kings.

Ang mananalo sa Fuel Masters at Bolts ay makakasagupa ng  Magnolia Hotshots  sa best-of-five semifinals.

Kinuha ng Commissioner’s Cup titlist Ginebra at Philippine Cup holder San Miguel ang Game 1 upang sibakin ang NorthPort at Rain or Shine, ayon sa pagkakasunod, at kalaunan ay maisaayos ang gigantic face-off.

Samantala, kinailangan ng Meralco at Phoenix ng 15 extra minutes upang madetermina ang magwawagi sa kanilang initial clash.

“It’s going to be a hard game. It’s a quality basketball; both two good teams. We’re going to duke it out,” sabi ni Trillo patungkol sa kanilang do-or-die match.

Ang dalawang koponan ay nagtapos na tabla sa San Miguel at Ginebra sa ika-2 at ika-5 puwesto na may magkakatulad na 8-3 kartada sa elims. Nawala ang Bolts sa Top 4 dahil sa inferior quotient.

Subalit nagpakita si Chris Newsome at ang kanyang teammates ng determinasyon upang malusutan ang mabigat na hamon sa initial game noong Miyerkoles.

Ngayong linggo ay maaari silang maharap sa panibagong hamon sa posibleng pagliban ni Cliff Hodge na nasaktan ang bukong-bukong sa bad fall.

“It was accidental. Tumalon siya and I think naapakan niya ‘yung paa ng isang player. But that’s part of the game,” sabi ni Trillo, bagama’t kumpiyansa na handa sila ngayong Linggo nariyan o wala si Hodge.

“If Cliff can’t go, we have other guys. I have faith in Kyle (Pascual), Raymund (Almazan) and those other guys, too. We’re ready,” paliwanag ni Trillo.

CLYDE MARIANO