FUEL MASTERS ‘DI NAKAPORMA SA HOTSHOTS

Mga laro ngayon:
Ynares Center-Antipolo
5:15 p.m. – Terrafirma vs Blackwater
7:15 p.m. – NLEX vs Meralco

KUMANA si Mark Barroca ng game-high 21 points upang pangunahan ang Magnolia sa 95-77 panalo laban sa Phoenix Super LPG sa PBA Philippine Cup kahapon sa Mall of Asia Arena.

Nagdagdag sh Barroca ng 5 rebounds, 6 assists at isa pang game-high na 5 steals habang sumuporta sina Aris Dionisio, Jio Jalalon, Ian Sangalang at Jackson Corpuz para maitala ng Hotshots ang ikalawang sunod na panalo para sa 3-3 kartada.

Nagposte si Dionisio ng bagong career-high na 19 points bukod sa 7 rebounds, nagsalansan si Jalalon ng 15 points, 8 rebounds at 8 assists, nagtala si Sangalang ng 14-10 double-double at nag-ambag si Corpuz ng 14 points at 5 boards.

Binigyang kredito pa rin ni Magnolia coach Chito Victolero ang depensa ng kanyang tropa sa pagposte ng wire-to-wire win sa kabila ng pagliban nina Paul Lee (back spasms), suspended Calvin Abueva at Jerrick Ahanmisi (ankle sprain).

“We just tried to focus on our defense,” sabi ni Victolero. “We basically focused on their press break and our defensive schemes on their players.”

Ikinatuwa rin ni Victolero ang naging produksiyon ng less-heralded Hotshots.

“Next man up, ‘yun talaga mentality namin ngayon… because we don’t want… na maging excuse ‘yung mga may injuries. Our mentality is to just fight kung sino man available now.”

Pinangunahan nina Javee Mocon na may 19 points at Sean Manganti na tumipa ng 11 ang Phoenix, na ang main players na sina Matthew Wright at Jason Perkins ay nalimitahan sa mga numero na mas mababa sa kanilang averages — 9 at 5 points, ayon sa pagkakasunod.

Naputol ang winning streak ng Phoenix sa dalawa at nahulog sa 2-3 marka.
CLYDE MARIANO

Iskor:
Magnolia (95) – Barroca 21, Dionisio 19, Jalalon 15, Sangalang 14, Corpuz 14, Wong 5, Brill 3, Reavis 2, Escoto 2, Laput 0, Dela Rosa 0.
Phoenix (77) – Mocon 19, Manganti 11, Wright 9, Jazul 8, Anthony 6, Melecio 5, Perkins 5, Serrano 4,Muyang 4, Rios 3, Tio 3, Porter 0, Garcia 0.
QS: 24-11, 44-27, 63-43, 95-77