FUEL MASTERS KINUMPLETO ANG SEMIS CAST

UMATAKE si Aaron Black ng Meralco laban kay Tyler Tio ng Phoenix sa ­kanilang rubber match sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals kagabi sa Mall of Asia Arena. Kuha ni RUDY ESPERAS

NATAKASAN ng Phoenix Super LPG Fuel Masters ang Meralco Bolts, 88-84, sa kanilang do-or-die quarterfinal game upang kumpletuhin ang Final Four cast sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nanguna para sa Fuel Masters si Jonathan Williams na nagbuhos ng 20 points at kumalawit ng 16 rebounds.

Hindi nakaiskor ang Phoenix, na minsang nagtala ng 18-point lead sa laro, sa kaagahan ng final quarter makaraang kumamada ang Bolts ng 11 sunod na puntos sa pagsisimula ng fourth quarter.

Nagbigay-daan ito upang makalapit ang Meralco sa apat na puntos, 77-73, matapos ang free-throw ni Cliff Hodge sa 8:21 mark ng laro.

Sa kanilang unang quarterfinal game  noong Miyerkoles ay nakumpleto ng Bolts ang stunning 116-107 comeback win sa triple overtime, subalit bigo sila  sa pagkakataong ito.

Nalusutan ng Jamike Jarin-mentored squad ang mainit na paghahabol ng Bolt sa mga sumunod na minuto upang kunin ang kanilang unang semifinals appearance magmula noong 2020.

Makakasagupa ng Phoenix ang first-seeded Magnolia Chicken Timplados Hotshots sa semifinals.