FUEL MASTERS NAG-INIT, TINUSTA ANG BOSSING

Mga laro ngayon:

Ynares Sports Center – Pasig

4 p.m. – NorthPort vs San Miguel

6:45 p.m.- Alaska vs Ginebra

SUMANDIG ang Phoenix kay Chris Banchero nang palawigin ang losing streak ng Blackwater sa 21 kasunod ng 110-99 panalo sa 2021 PBA Governors’ Cup nitong Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Nagbuhos si Banchero ng game-high 23 points sa 4-of-6 clip mula sa three-point area na sinamahan ng 7 assists at 5 rebounds upang pangunahan ang Fuel Masters sa 2-0 simula at makasalo ang NLEX Road Warriors at Alaska Aces sa maagang liderato.

Nagdagdag si import Paul Harris ng 19 points, 16 rebounds, at 7 assists para sa Phoenix na naging mainit ang simula sa pagtarak ng 28-18 kalamangan matapos ang first quarter.

Nagningning din sina bagong acquisitions Sean Manganti at Simon Camacho sa pagkamada ng key buckets na nagbigay sa Fuel Masters ng pinakamalaki nilang bentahe sa laro sa 90-76 at 100-96.

Kumana si Manganti, kinuha ng Phoenix mula sa NorthPort kapalit ni Vic Manuel, ng career-high 17 points at  3 rebounds, habang kumubra si Camacho, hinugot ng Fuel Masters matapos ang kanyang Filbasket MVP run, ng  10 points, 4 rebounds, 2 blocks, at 2 steals mula sa bench.

Hindi gaanong umiskor si Matthew Wright subalit nagbigay ng 9 assists.

Ang mas balansiyadong kontribusyon  ng lahat ng players na kanyang ginamit, na nagbigay rin sa Fuel Masters ng 7 blocks at 7 steals, ay sapat na para matuwa si coach Topex Robinson.

“That’s really huge for us, knowing how hard Blackwater played, they kept the game close, they kept us grounded. Again, the guys are just happy to contribute,” sabi ni Robinson matapos na masundan ang kanilang 103-100 panalo kontra Terrafirma noong nakaraang Huwebes.

Pinaalalahanan din ni Robinson ang kanyang tropa na huwag magkampante. “We still have nine more games and two wins will get you nowhere,” aniya.

“But again, we want to make sure we get one win every time we play, just try to be aggressive,” dagdag ni Robinson. “We don’t want to focus on what the other team would do. What we have control of is how we’re going to play. So we’re always going to play hard and play together CLYDE MARIANO

Iskor:

Phoenix (110) – Banchero 23, Harris 19, Manganti 17, Camacho 10, Garcia 9, Wright 7, Rios 6, Perkins 5, Demusis 5, Chua 4, Jazul 4, Muyang 1.

Blackwater (99) – Bond 18, Escoto 16, Torralba 14, McCarthy 13, Amer 12, Ebona 9, Chauca 5, Casio 4, Daquioag 4, Cañaleta 2, Gabriel 2, Desiderio 0, McAloney 0.

QS: 28-18, 51-45, 83-74, 110-99.