Mga laro bukas:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Converge vs TNT
5:45 p.m. – Terrafirma vs Ginebra
NAGBUHOS si Encho Serrano mula sa bench ng 18 points upang tulungan ang Phoenix Super LPG na mahila ang kanilang winning streak sa apat sa pamamagitan ng 92-83 panalo kontra Rain or Shine sa PBA Commissioner’s Cup nitong Miyerkoles sa Ynares Center sa Antipolo.
Sa laro kung saan ang karaniwang leading scorers na sina Javee Mocon at Tyler Tio ay nahirapan at nalagay sa foul trouble si import Kaleb Wesson, sinagip ni Serrano ang koponan at umiskor ng anim na sunod na puntos sa endgame na naging tuntungan ng Fuel Masters upang tuluyang iwaksi ang pagbabanta ng Elasto Painters.
Sinabi ng second-round pick sa Rookie Draft noong nakaraang Mayo na natututunan na niya ngayong harapin ang pressure sa gabay ni coach Topex Robinson.
“Siguro ‘yung challenge na ibinibigay niya sa amin parang na-o-overcome ko na,” ani Serrano.
“Less pressure na ngayon kasi hinahayaan niya akong maglaro. Every time na ipapasok ako gusto niya aggressive ako. Kaya ayun, lumalabas laro ko,” dagdag ng high-flying guard na bumuslo ng 7-of-10 mula sa field at nagtala rin ng 5 rebounds at 5 assists.
Tinapyas ng RoS ang dalawang 15 point-deficit, 53-68 at 66-81, at lumapit sa 83-86 habang nasa bench si Wesson dahil sa limang fouls.
Nag-panic si Robinson at ibinalik si Wesson sa huling 2:56 ng laro upang pigilan ang pag-aalburuto ng Elasto Painters.
Hindi nagpabaya si Wesson at nakipagsanib kina Serrano at RJ Jazul sa 7-0 windup upang maitakas ang panalo at ipalasap sa tropa ni coach Yeng Guiao ang ika-4 na kabiguan sa pitong laro.
Malaking tulong din ang ibinigay ni dating Painter Jayvee Mocon sa opensiba at depensa.
“Hindi nasiraan ng loob ang mga players at hindi bumigay,” sabi ni Robinson.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Phoenix (92) – Wesson 21, Serrano 18, Jazul 11, Anthony 9, Pascual 8, Manganti 7, Mocon 5, Tio 5, Rios 4, Adamos 2, Robles 2, Camacho 0, Lojera 0, Lalata 0, Garcia 0.
Rain or Shine (83) – Taylor Jr. 16, Mamuyac 14, Nambatac 12, Asistio 9, Belga 8, Caracut 5, Demusis 5, Norwood 5, Ponferrada 5, Santillan 2, Borboran 2, Nieto 0.
QS: 19-22, 48-42, 72-59, 92-83.