FUEL MASTERS SINUNOG ANG FIBERXERS

NAWALA bola ni Thomas Vodanovich ng Converge laban kay Sean Manganti ng Phoenix sa PBA Commissioners Cup sa Philsports Arena, Pasig. Kuha ni RUDY ESPERAS

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

3 p.m. – Meralco vs NLEX

6:15 p.m. – Ginebra vs Terrafirma

NAUNGUSAN ng Phoenix Super LPG ang Converge, 99-98, para sa kanilang ika-4 na sunod na panalo sa PBA Commissioner’s Cup nitong Linggo sa PhilSports Arena.

Tulad ng naging instruksiyon ni coach Jamike Jarin sa timeout sa huling  10 segundo, tinanggap ni Jason Perkins ang bola sa  left corner at dahil sa depensa ng FiberXers kay Fuel Masters import Johnathan Williams ay si Ken Tuffin ang nabigyan ng bola para sa layup na naging game-winner.

Ang ika-5 panalo ng Phoenix sa anim na laro para sa ikalawang puwesto ay naging opisyal nang sumablay ang  baseline jumper  ni Aljun Melecio at nakuha ni  Javee Mocon ang defensive rebound.

“There were options in that play, but one of the options there was Ken if there was no other one to pass to,” sabi ni Jarin.

“Good thing Perk (Perkins) saw it, there was some scramble on the back screen for J3 (Williams) and fortunate for us Ken made the basket.”

Idinagdag ni Jarin na ang adjustments na kanilang ginawa matapos ang first half ay nakatulong din upang mangibabaw ang koponan matapos ang dikit na laro na may kabuuang 13 deadlocks at 14 lead changes.

“We only had six assists by halftime, so it means we were playing selfish basketball,” ani Jarin. “We regrouped, cleaned it up and we played great defense.”

Tumapos si Williams na may  27 points, 16 rebounds at 6 assists na pambawi sa kanyang dalawang mintis na charities na nagbigay sana sa Phoenix ng 97-93 kalamangan.

Nag-ambag si Perkins ng  20 points at 7 boards habang kumabig si Ricci Rivero ng 12 points.

Nakalikom si Tom Vodanovich ng 35 points at 9  rebounds subalit hindi pa rin napigilan ang Converge sa paglasap ng ika-5 kabiguan sa parehong dami ng laro.

CLYDE MARIANO

Iskor:

Phoenix (99) – Williams 27, Perkins 20, Rivero 12, Tio 7, Mocon 9, Tuffin 8, Alejandro 6, Manganti 5, Garcia 3, Jazul 2, Soyud 0, Daves 0, Verano 0, Camacho 0.

Converge (98) – Vodanovich 35, Winston 15, Santos 11, Balanza 10, Arana 10, Racal 9, Ambohot 3, Tallo 3, Caralipio 2, Melecio 0, Fornilos 0, Wong 0.

QS: 27-27, 47-48, 70-70, 99-98.