FUEL MASTERS UMUSOK

Mga laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Rain or Shine vs Phoenix
5:45 p.m. – Meralco vs Ginebra

HINDI hahayaan ni Encho Serrano na mauwi sa wala ang pagpupunyagi ng Phoenix Super LPG.

Pinatunayan ito ng rookie nang bitbitin ang Fuel Masters sa 106-103 panalo kontra pinapaborang Converge upang mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa sa playoffs sa PBA Governors’ Cup kahapon sa Araneta Coliseum.

Naitala ni Serrano ang lahat ng kanyang career-high 28 points sa second half, kabilang ang go-ahead basket sa huling 18.7 segundo, na nagbigay sa Phoenix ng kanilang unang back-to-back wins sa conference at ng 3-5 record sa eighth-running spot.

“Gustong-gusto ko talagang tumulong sa team kaya ginawa ko ‘yung best ko,” sabi ni Serrano, 19th overall sa Season 47 draft noong nakaraang Mayo.

Para kay Phoenix coach Jamike Jarin, ang nilaro ni Serrano ay nakatulong sa defensive mind-set ng kanyang tropa na nagresulta sa 16 lead changes at 13 deadlocks sa laro, ang huli ay sa 103-all.

“They (FiberXers) really have a good defensive set. They’re very good screeners, so we really wanted to disrupt their flow in offense. We did a great job in the first quarter but eventually in the latter part of the first quarter and early part of the second we struggled a bit,” sabi ni Jarin.

“Good thing we were able to recover because of this young kid over here,” dagdag ni Jarin patungkol kay Serrano.

Binanggit din niya ang eight-day rest ng kanyang koponan kasunod ng 125-100 victory kontra Terrafirma bilang one plus-factor. “We were ready to go up and down for 48 minutes,” ani Jarin.

Ang pagkatalo, ang kanilang ikatlo sa siyam na laro, ay naglagay sa kampanya ng Converge na makapuwesto sa top four na may twice-to-beat advantage sa eight-team quarterfinals, sa balag ng alanganin.

Tabla sa third sa walang larong NLEX, ang FiberXers ay kailangang manalo ng isa sa kanilang nalalabing dalawang elimination round matches kontra Meralco sa Biyernes at Barangay Ginebra pagkalipas ng dalawang araw para makatabla sa isa sa inaasam na slots. CLYDE MARIANO

Iskor:
Phoenix (106) – Serrano 28, Maxwell 19, Perkins 16, Tio 16, Muyang 8, Mocon 7, Camaco 4, Jazul 3, Manganti 3, Garcia 2, Alejandro 0.
Converge (103) – Franklin 30, Stockton 11, Balanza 11, Racal 11, Teng 11, Ahanmisi 10, Arana 8, Ebona 4, Tratter 4, Browne 0.
QS: 23-24, 42-49, 66-69, 106-103.