FULL ALERT SA LUZON – PNP

albayalde_5

CAMP CRAME – EPEKTIBO alas-6 ng umaga ngayon, ­Setyembre 13, ay naka-full alert ang pulisya sa Luzon area.

Ito,  ayon kay Philippine National Police (PNP)  Chief,  Dir. Gen. Oscar Albayalde, ay upang maging katuwang ang pulisya ng National Disaster Risk Reduction Management Council sa kanilang disaster response operation kaugnay sa banta ng bagyong Ompong.

Layunin ng pagtataas ng alerto ay matiyak na maraming pulis ang makakasama sa nasabing operasyon.

“I am placing all Luzon-based PNP Units on FULL ALERT condition to ensure availability of resources and personnel for possible disaster response operations in areas threatened by the destructive effects of Supertyphoon Ompong, including other areas in Luzon that may experience torrential monsoon rains as a result,” bahagi ng speech ni Albayalde.

Pinakilos na rin ni Albayalde ang National Headquarters 1st Level Battle Staff  para matiyak ang epektibong Command and Control  sa lahat ng PNP disaster response operations.

Mangunguna naman sa operasyon ang PNP-SAF, Maritime Group, Highway Patrol Group, Police Community Relations Group, Health Service; at lahat ng Regional and Provincial Mobile Forces.

Partikular ding babantayan ang mga high risk areas gaya sa coastlines, riverbanks at geohazard zones.

Aniya,  preparado ang pulisya para sa nasabing operasyon lalo na’t may kaalaman ang mga ito sa disaster response.

Una nang ibinabala ng ­Philippine Atmospheric Geo­physical Astronomical Services Admi­nistration (PAGASA)  na magiging superbagyo ang Ompong.

Puntirya rin nito ang Northern Luzon gaya sa La Union,  Cagayan at Batanes.

Kahapon ay nagkansela ng pasok sa eskuwela sa Mexico,  Pampanga at maging ang pamahalaang lokal ng Cagayan ay kinansela ang pasok ngayong araw. EUNICE C.

Comments are closed.