FULL ALERT VS ‘MOVEMENT’ SA PNP, AFP

ITINANGGI ni Police Colonel Red Maranan, hepe ng Public Information Office ng Philippine National Police na may “movement” o mga nag-aalburuto sa hanay ng pulisya at Armed Forces of the Philippines kasunod ng pagpapalit ng liderato sa militar kahapon ng umaga.

Ayon kay Maranan, totoong inilagay sa full alert status ang buong puwersa ng PNP kasabay ng Change of Command Ceremony sa AFP sa Camp Aguinaldo na katapat lamang ng Camp Crame kahapon ng umaga.

Kahapon ay pormal nang umupo bilang AFP Chief of Staff si General Andres Centino kapalit ni Lt. Gen. Bartolome V. Bacarro na tinaguriang Medal of Valor awardee at living hero.

Subalit, ayon kay Maranan ay agad din itong ibinaba sa heightened alert pagkatapos ng aktibidad.

Paliwanag ng opisyal, bahagi ito ng kanilang standard operating procedure (SOP) tuwing may pagpapalit ng liderato sa PNP at AFP.

Itinanggi rin ni Maranan ang mga kumakalat na impormasyon na may planong destabilisasyon.

Samantala, nilinaw naman ni Col. Jean Fajardo, PNP Spokesperson na nakataas ang kanilang alerto dahil sa Traslacion bukas, Enero 9.

“Heightened alert ang PNP because everybody must know na nagsimula na itong ating security coverage para sa Traslacion sa Maynila,” ayon kay Fajardo. EUNICE CELARIO