MAS marami na ngayong opsiyon ang mga Filipino para mag-relax makaraang payagan na ang full body massages sa bansa.
Sa bagong kautusan na ipinalabas ng Department of Trade and Industry (DTI), pinahihintulutan na ang full body massage services simula Nobyembre 1 sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine at modified GCQ.
Nakasaad sa Memorandum Circular no. 20-57 na inisyu ni Trade Secretary Ramon Lopez na ang massage parlors ay dapat mag-operate sa 30% capacity sa GCQ areas at 50% sa MGCQ areas. Nangangahulugan ito na maaari lamang punan ng naturang mga establisimiyento ang one-third at one-half ng kanilang pre-pandemic bed capacity.
Ayon sa DTI, dapat ding sumunod ang full body massages sa minimum public health standards, kabilang ang pagsusuot ng masks at tamang paghuhugas ng kamay.
Nauna nang ipinagpaliban ng mga awtoridad ang body massages sa gitna ng pangamba na maaaring mabantad ang mga customer at masahista sa infections subalit niluwagan ng gobyerno ang restrictions sa lahat ng industriya para buhayin ang ekonomiya.
Samantala, ang iba pang personal care at aesthetic services ay maaaring mag-operate sa 75% capacity sa GCQ areas. Ang full operations ay pinapayagan sa MGCQ areas, subalit dapat ding sumunod sa standard health protocols.
Sa kautusan ng DTI ay itinaas din ang capacity para sa Category III businesses sa 75% para sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at full capacity sa MGCQ areas. Kabilang dito ang travel agencies, tour operators, reservation service at mga kaugnay na aktibidad; gyms and fitness studios; sports facilities para sa individual at non-contact activities tulad nggolf, swimming, tennis, badminton, equestrian, range shooting, at skateboarding; testing at tutorial centers: maximum 30% capacity sa loob ngtesting room na may social distancing.
Review centers: para lamang sa license applicants para sa health-related professions; Internet cafes: limitado sa work o educational purposes na may tamang social distancing, at alinsunod sa rules na itatakda ng local government units; drive-in cinemas; at pet grooming services
Ang Metro Manila, Batangas province, Iloilo City, Bacolod City, Tacloban City, Iligan City, at Lanao del Sur ay nasa ilalim ng GCQ hanggang Nobyembre 30.
Samantala, ang cinemas, libraries, museums, tourist spots, tattoo at piercing services, live events, gayundin ang language, driving at iba pang special skills schools ay pinapayagang mag-operate sa 50% capacity sa maraming bahagi ng bansa na nasa ilalim ng MGCQ.
Nananatili namang sarado ang nightclubs, kid playrooms at amusement establishments.
Comments are closed.