IGINIIT ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may karapatan sa full hospitalization coverage ang mga medical frontliner at allied worker sakaling mahawahan ng COVID-19 sa buong panahon ng pandemya.
Ipinaalala nito sa lahat ng ospital sa buong bansa na walang dapat na bayaran ang mga pasyenteng kabilang sa frontliners sakaling naospital dahil sa COVID-19.
Alinsunod ito sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pahalagahan ang sakripisyo ng healthcare workers at frontliners na araw-araw ay sinusuong ang panganib para sa kapakanan ng mga pasyente ng nakamamatay na sakit.
Sa inilabas na PhilHealth Circular No. 2020-0011 noong Abril 14, 2020, ginarantiyahan ang full financial risk para sa Filipino Health workers pati sa mga pasyente laban sa corona virus disease.
Tinukoy sa nasabing circular, ang mga health worker ay “persons engaged in health and health related-work” anuman ang kanilang employment status. Kabilang dito ang mga doktor, nurse, allied health professional, administrative at support personnel, utility at security personnel na nagtatrabaho sa health facilities; health volunteers na nakatalaga sa health facilities at maging ang mga staff at personnel na nagtatrabaho sa government health agencies.
Bukod sa full hospitalization coverage, ang mga health worker ay entitled din sa PhilHealth benefits para sa SARS-CoV-2 testing package mula P901 hanggang P3,409 batay sa itinakda ng Circular No. 2020-0017.
Ayon pa sa PhilHealth, maaaring maparusahan ang mga ospital na mapatutunayang tumangging tanggapin o kaya ay maningil ng co-payment sa sinomang health worker na may COViD-19.
Hinikayat din ng ahensiya ang publiko na agad i-report ang anumang impormasyon na may kinalaman sa pang-aabuso o kapabayaan ng mga health care providers.
Comments are closed.