TARGET ng Department of Budget and Management na maging fully digital na ang mga dokumentong kanilang inire-release gaya ng Special Allotment Release Order (SARO), Notice of Cash Allocation (NCA), at Notice of Organization, Staffing at Compensation Action (NOSCA) sa iba’t ibang government agencies sa unang quarter ng 2023.
Idiniin ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang hakbang ay bahagi ng prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayon na makamit ang pagbabago at maging digitalize ang mga government processes, records, at databases patungo sa pagkamit ng bureaucratic efficiency at sustainable economy.
Ginawa ng kalihim ang pahayag bilang pagpapatatag sa kautusan ni Pangulong Marcos na taglayin na ang pagiging digital era.
“Noong cabinet meeting po, sinabi po ni Presidente that he’s also pro-digitalization to reduce ‘yung cost of doing business, transparency, and accountability,” ayon kay Pangandaman.
“So, noong lumabas po ‘yung second version [of the draft budget], most of the agencies po, we adopted ‘yung kanilang mga digitalization programs. We have provided more than P300 billion for the digitalization program of the different national government agencies,” dagdag pa ni Pangandaman.
Nagsimula na ang DBM sa digital transformation initiatives nang kamakailan ay nilagdaan ang tatlong authorized government servicing banks na magpatupad ng online release of Notice of Cash Allocation (NCA). EVELYN QUIROZ