HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Customs (BOC) na palakasin ang modernization program nito, ipatupad ang full digitalization, at mamuhunan sa makabagong teknolohiya gaya ng x-ray machines para mapigilan ang mga insidente ng smuggling, kabilang ang technical smuggling, mahinto ang korapsyon, at higit pang pataasin ang revenue collection nito.
Bilang chairperson ng Senate Ways and Means Committee, nagsagawa kamakailan ng ocular inspection at walkthrough si Gatchalian sa mga pasilidad ng BOC sa Port Area, Manila kaugnay ng modernization program ng ahensya.
“Dapat mag-double time ang Customs upang makumpleto ang digitalization program nito, gawing moderno ang mga pasilidad, at mamuhunan sa mga mas bagong teknolohiya, kabilang ang pagbili ng mga naaangkop na x-ray machine, at dapat na puspusang magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga tiwaling empleyado,” sabi ni Gatchalian.
“Alam natin na ang katiwalian sa anumang ahensya ng gobyerno ay nagdudulot ng malaking dagok sa tiwala ng taong bayan at pinsala sa kaban ng bayan. Dapat maimbestigahan nang husto ang mga tiwaling kawani sa mga ahensiya’t kagawaran,” dagdag nya.
“Umaasa tayo na maipapatupad ang kabuuang modernization program ng Customs sa lalong madaling panahon dahil ito ay hahantong sa ganap na automation ng mga operasyon nito na makakabawas nang husto sa mga leakage at magpapabuti sa koleksyon ng buwis,” ani Gatchalian, na nagbigay-diin na ang full automation ng mga upisina ng ahensya ay makakabawas sa personal na pakikipag-ugnayan sa mga opisyal at empleyado ng Customs at magbibigay proteksyon sa integridad ng mga ito.
Ang pagpapatupad ng Philippine Customs Modernization Program (PCMP) ay kukumpleto sa digitalization program ng BOC, na kasalukuyang nasa 91% completion rate. Kabilang sa mga bahagi ng PCMP ang streamlining, automation, at pagbuo ng isang world-class customs processing system (CPS). Ang pagpapatupad ng kabuuang modernization program ng BOC ay inaasahang magpapalawak ng tax at duty base nang hindi na nagpapataw ng karagdagang buwis.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa P817 bilyon ang revenue collection ng BOC ngayong 2022, mas mataas ng 20% kumpara sa buong taong target na P675 bilyon para sa buong taon ng 2022. Ang tantya ng senador, malaki ang kinalaman ng patuloy na labanan ng Russia at Ukraine at ang umiiral na kahinaan ng piso laban sa dolyar sa mataas na revenue collection. Ayon sa senador, maaari ring bunsod ng mas mahusay na pagkolekta ng buwis ang mahusay na performance ng ahensya.
VICKY CERVALES