NANINIWALA ang Department of Trade and Industry (DTI) na malaking tulong sa unemployment at malawakang kagutuman sa hanay ng mga maralitang taga-lungsod ang 100 percent operation ng ilang negosyo sa Metro Manila.
Bagaman posible na umanong ilagay sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Kalakhang Maynila sa buwan ng Nobyembre ay pinawi ni Trade Sec. Ramon Lopez ang pangamba ng Metro Manila mayors hinggil sa isinusulong na full operation ng ilang mga negosyo sa Metro
Manila na nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ).
Una nang nagpahayag ng agam-agam ang Metro Manila Council (MMC) sa hiling ng mga negosyante na gawin nang 100 percent ang kanilang operasyon sa Metro Manila para makabawi na rin sila sa pagkakalugi at makatulong sa pagbangon ng ekonomiya
Ayon kay Sec. Lopez, mga ligtas namang negosyo ang kanilang binubuksan na kailangan din ng mga APOR o authorized persons outside residence.
Inihayag pa ng kalihim na makatutulong ang pagbubukas ng ekonomiya para makapagtrabaho na ang mga taong kailangang magtrabaho para may mapagkunan ng pagkakitaan.
Sinabi pa ng kalihim na batay sa pinakabagong survey, tumaas ang bilang ng mga Filipinong nagugutom kaya malaking bagay ang pagbubukas ng ekonomiya para ito’y matugunan.
Tiniyak din ni Lopez na hindi ito nangangahulugang magluluwag na, bagkus mas hinigpitan pa ang health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield sa labas at loob ng pinagtatrabahuan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.