ALAM nating lahat kung paano itinuturing na importante ang pagkain para sa mga Filipino. Ang iba’t ibang tradisyon, kultura, at nakasanayan ang bumubuhay at nagpapasarap pa sa mga pagkaing kinamulatan simula pagkabata.
Bawat bansa ay may kaniya-kaniyang pagpapakita ng pagpapahalaga at kultura sa pagkain. Gayundin tayong mga Filipino, may sarili tayong mga ginagawa o gawi na talagang nagpapangiti sa atin tuwing pagkain ang usapan.
Narito ang ilan sa mga kinahiligan o gawi nating mga Pinoy na hindi na mababago o mawawala sa ating buhay:
HINDI PUWEDENG WALANG KANIN
Ika nga nila, “it’s never a meal without rice’’ sa ating mga Pinoy. Ang ating staple food ay bigas bilang isang agrikultural na bansa. Aminin natin, kapag walang kanin, kulang ang ating araw. Kahit na kumain tayo ng marami pero walang kanin, hindi tayo nabubusog. Kaya’t maraming Pinoy ang ika nga ay hindi nabubuhay nang hindi nasasayaran ng kanin ang kanilang lalamunan at sikmura sa isang araw.
Hindi nga naman maitatanggi ang pagmamahal nating mga Pinoy sa kanin.
Kasama natin ito sa agahan, tanghalian at hapunan. May mga iba’t ibang paraan din tayo para hindi masayang ang tirang kanin, pinakasikat—ang sinangag o fried rice.
SAWSAWAN IS LIFE
Siyempre hindi rin mawawala ang sawsawan sa ating hapagkainan, ano pa mang ulam ang nakahanda. Mas lumilinamnam nga naman ang bawat lutuin kung mayroong kasamang sawsawan. At gaya ng kanin, isa rin ang sawsawan sa hindi puwedeng mawala sa kusina ng mga Pinoy. Nakagagana ring kumain kung may sawsawan.
Isa sa pinakasikat na sawsawang Pinoy ay ang toyomansi na pinaghalong toyo at kalamansi. O ang iba’t ibang uri ng suka na hinahaluan ng iba pang pampalasa. Nariyan din ang patis at bagoong.
MERIENDA IS A THING
Hindi sapat ang agahan, tanghalian at hapunan para sa Pinoy. Nariyan din ang mga in between snacks o merienda!
Sa’n ka pa hindi ba? Mahilig talaga ang mga Pinoy sa merienda. Karaniwang bida ang mga kakanin kapag oras na ng meriendahan. #PalagingGutom
HUWAG PAGHIHINTAYIN ANG PAGKAIN
Dahil tayo ay mayroong paggalang sa mga biyayang natatanggap natin, hindi lang tayo nagdarasal bago kumain. Isa rin sa mga turo sa atin mula bata pa lamang ay huwag na huwag paghihintayin ang pagkain. Baka magtampo ang grasya, maraming nagugutom sa panahon ngayon, pasalamat na lang at may naihahain pa.
Bukod sa pagdarasal at hindi pinaghihintay ang grasya, kinasanayan din ng mga Filipino ang pagkain ng sabay-sabay. Mas sumasarap ang putahe, simple man ito kung sama-sama sa hapag ang bawat pamilya.
Kaya kapag tinawag na ni Inay, aba lapit agad.
HILIG SA PAGKAIN NG NAKAKAMAY
Hindi naman tayo pinagkaitan ng mga kubyertos, sadyang mas masarap lang talaga para sa atin lalo na kapag isda ang ulam ang pagkain ng nakakamay. Mas nae-enjoy rin natin ang pagkain.
The best ang kamayan lalo na sa paborito nating boodle fight tuwing may salo-salo ang pamilya, magkakabarkada o magkakatrabaho.
HANGO SA IBA’T IBANG KULTURA ANG INSPIRASYON NG PAGKAIN
Kung babalikan ang ating kasaysayan, alam nating tayo ay nasakop ng iba’t ibang bansa. Kaya naman may mga pagkain tayong hango o ang naging inspirasyon ay ang mga sumakop sa bansa.
Ang pansit at lumpiang shanghai mula sa mga Intsik, ang paborito nating panghimagas na halo-halo na hango sa mga Hapon, at marami pang iba.
Isa sa may makulay na kultura ng pagkain na maituturing ang ating bansa. May mga nakagawian tayong asal, kainin, pag-partner-partnerin na pagkain na bago at kakaiba para sa mga banyaga. Lahat naman ng bansa ay may kaniya-kaniyang pagkakakilanlan, pero tayong mga Pinoy, may natatangi at kakaibang panlasa.
Comments are closed.