TUMULONG ang Ateneo de Manila University (AdMU) na kumalap ng pondo para sa pamilya ng kanilang security guard na si Jeneven Bandiala, na kabilang sa tatlong napaslang sa naganap na pamamaril sa campus sa Quezon City, noong Linggo ng hapon.
Bukod sa guwardiyang si Bandiala, napatay rin sa nangyaring pamamaril ang dating Lamitan Mayor na si Rose Furigay, at ang kanyang executive assistant na si Victor George Capistrano.
Nagkaloob na rin ng financial assistance ang mga nangagasiwa ng campus sa Bandiala’s family.
Sa mga nais umanong tumulong sa pamilya ni Bandiala ay maaaring mag-donate sa pamamagitan ng pag-scan sa QR code na ipinost ng mga opisyal ng AdMU sa kanilang Facebook page.
Maari umanong ipadala ang donasyon via GCash, GrabPay, BDO, BPI, UnionBank, PNB, at RCBC.
Maging ang student councils ng Ateneo Law School at Ateneo School of Medicine and Public Health ay tumulong na rin na kumalap ng pondo para kay Bandiala.
Si Bandiala ay napatay nang harangin nito ang papatakas na suspek na si Dr, Chao-Tia Yumol nang mamaril sa campus bago ang graduation ng Ateneo Law School class of 2022.
Samantala, nakisimpatiya rin ang De La Salle University sa Ateneo community at ipinagdarasal nila na makamit ng mga nasawing biktima ang hustiya.
“We also pray for justice to be served and for acts of violence to end as we strive to make our campuses safe spaces for learners and other members of the academic community,” batay sa inilabas na statement ni Br. Bernard Oca FSC. EVELYN GARCIA