CAVITE – ILILIBING na sana ang patay nang banggain ng rumaragasang truck ang isang karo na kinalululanan nito na ikinadamay pa ng isa pang motorsiklo sa kahabaan ng Governors Drive, Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang driver ng punerarya na si Roland Papa Camaganacan, 53-anyos, residente ng Sitio Pansol, Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City habang ang driver naman ng truck ay nakilalang si Jerome Mardo Russel, 35-anyos, residente ng Blk. 21, Lot 17, Phase 1B, Navotas City.
Ayon sa ulat ng pulisya naganap ang insidente sa kahabaan ng Governors Drive Brgy Sampaloc 4 kung saan ang sasakyan ng punerarya na Toyota Hilux na may plate no. 131210 buhat sa Charvel Subdivision ay tumatawid pakaliwa patungong Piela nang bigla itong mabangga ng Isuzu Truck na may plate no. PSU-357 na nakarehistro sa Starcrete Mfg. Corp.
Dahil sa lakas ang impact ay kinaladkad ng ilang metro ang layo nito na ikinadamay pa ng isa pang motorsiklo na may plate no. 721 OPC na minamaneho naman ni Baryl Ucang.
Nagtamo ng pinsala ang driver ng motorsiklo at angkas nito na kasalukuyan ngayong ginagamot sa Asia Medic Hospital.
Samantala, dismayado naman ang pamilya ng namatayan sa sobrang sakit umano ang dinanas ng kanilang kaanak na namatay na ililibing na nga lang ay nasagasaan pa ng truck.
Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayaring ito.
SID SAMANIEGO