FVR, ANG ISA SA PINAKAMAGALING NG PANGULO NG ATING BANSA

PAALAM  Pangulong Fidel Valdez Ramos. Pumanaw ang maituturing kong isa sa pinakamagaling na Pangulo ng ating bansa noong Linggo ng hapon. Ako ay nabigla subalit naunawaan ko na ang buhay ng tao ay may hangganan.

Personal na kilala ko si FVR. Magkaibigan kasi sila ng aking ama na si dating Press Secretary Jesus ‘Jess’ Sison. Parehas silang taga- Pangasinan at sa haba ng panahon ng kanilang karera sa gobyerno noong mga bata pa sila, nagkrus muli ang kanilang landas nang inalok ni FVR ang aking ama bilang miyembro ng kanyang gabinete.

Naging ninong ko sa kasal si FVR noong 1990. Noong mga panahon na iyon, umuugong pa lamang ang balita na nais niyang tumakbo sa pagkapresidente. Kasalukuyang siyang Secretary ng Department of National Defense noong mga panahon na iyon.

Marami akong personal na maaaring maibahagi sa inyo sa mga ‘engkwentro’ ko kay FVR. Isa na rito ay noong panahon na napipisil ni FVR ang aking ama na maging kanyang Press Secretary. Isinama ako sa Arlegui House, kung saan doon pa dati ang opisyal na tahanan ng Pangulo ng Pilipinas. Ako ang inatasan ng Tatay ko na magmaneho sa kanya papuntang Malakanyang upang mag-usap ang dalawa.

Pinapasok kami sa gwardyadong gate ng Arlegui House at naghintay lamang ako sa labas at inaliw ang aking sarili sa pagmamasid ng nasabing lumang mansion na umaapaw ng kasaysayan.

Matapos ng ilang oras na pag-uusap nila ay hinatid ni FVR ang aking ama palabas ng mansion, sinalubong ko ang dalawa at natatandaan pa rin niya ako, bagamat mahigit dalawang taon na ang nakalipas mula nang siya ang naging ninong ko sa kasal.

“O, Jera kumusta ka na?,” ang nakakasorpresang pagbati sa akin. Hindi ako makapaniwala na ang nasa harapan ko ay ang Pangulo ng ating bansa at natatandaan pa rin ako. “You are indeed a chip off the old block ha?”, ang dagdag na sinabi sa aking ni Pangulo. Ang ibig sabihin ni FVR noon ay kahawig ko ang aking Tatay.

Maraming kuwento ang aking Tatay tungkol kay FVR. Grabe raw ang kanyang work ethic at palaging matalas ang pag-iisip tuwing nagkakaroon ng mga Cabinet meeting. Sa kanya nauso ang tinatawag na ‘complete staff work’ o CSW. Ang ibig sabihin nito ay dapat nagsaliksik ng mabuti ang mga miyembro ng gabinete tuwing nag-uulat sila tungkol sa mga proyekto at programa ng kanilang tanggapan. Mabusisi raw si FVR sa mga ganitong usapan.

Masipag din bumiyahe si FVR sa ibang bansa upang hikayatin ang mga ibang bansa kasama na ang mga negosyante na mamuhunan sa Pilipinas. ‘Philippines 2000’ ang kanyang branding sa Pilipinas noong taong 1992. Nais niyang magtagumpay at umangat ang pamumuhay ng Pilipino pagsapit ng taong 2000.

Naramdaman ng mga Pilipino ang nasabing plano ni FVR. Sa katunayan, inangat niya ang lebel ng ekonomiya ng ating bansa sa unang tatlong taon ng kanyang pamamahala. Lumakas ang industriya ng real estate at maraming mga bangko mula sa ibang bansa ang nagtayo ng kanilang sangay sa Pilipinas.

Nagawan ni FVR ng paraan upang mawala ang tinatawag na ‘rotating brownouts’ noong panahon ni Pangulong Cory Aquino. Sa madaling salita, naiahon ni FVR ang masamang imahe noon ng Pilipinas bilang ‘The Sick Man of Asia’.

Matapos ang kanyang termino, aktibo pa rin si FVR sa mga kaganapang nasyunal. Mababasa sa mga pahayagan at mapapanood mo siya sa telebisyon na nagbibigay ng payo sa mga sumunod na administrasyon. Itinaguyod niya ang RPDEV o Ramos Peace and Development Foundation Inc. na binansagan na ‘catalyst for constructive change’ at may adbokasiya ng pagkakaisa. Malimit na nagbibigay siya ng lecture sa iba’t ibang bansa sa ilalim ng RPDEV.

Nagkikita pa rin kami ni FVR sa golf course mga ilang taon ang nakalipas bago tumama ang pandemya.

Tulad ko, mahilig siyang maglaro ng golf. Sa katunayan ay ipinakita pa niya sa akin ang kanyang iskor sa golf. Ang sabi niya sakin ay, “Jera, tignan mo ang iskor ko? 84. Saan ka makakakita ng golfer na may edad na 88 na umiskor ng 84?!”.

Nakakalungkot ang kanyang pagpanaw. Subalit ang mahalaga ay ang kanyang iniwan na magandang ukit sa ating kasaysayan bilang isang mahusay na sundalo at Pangulo ng ating bansa na nagtulak ng demokrasya at kapayapaan. Paalam at Salamat po Pangulong Fidel Valdez Ramos.