MAGKAKAIBA ang opinyon ng mga tao pagdating sa usaping insurance. Maaaring ang iba ay ayaw kumuha ng insurance sa kadahilanang sila ay single at walang umaasa sa kanila. Taliwas naman ito sa pananaw ng mga pamilyadong tao na naniniwala sa life insurance na kung saan may mga umaasa sa kanila tulad ng kanilang mga anak.
Sa panahon ngayon, hindi lamang ang buhay ang iniinsure kung hindi pati na rin ari-arian, kalusugan, pangpapaospital, pag-byahe, bahay, sasakyan, negosyo at iba pa na maaari natin i-konsidera at malaman ang kahalagahan ng mga ito sa pang araw-araw na pamumuhay. Para naman sa iba, kahit ang mga alagang hayop o mga “pets” meron din ng insurance.
Mahalaga ang insurance sa isang tao na limitado lamang ang budget at hangarin na pahabain ang pisi sa mga panahon ng pangangailangan. Halimbawa ay ang pagkakaroon ng insurance para sa kalusugan, at sa pagpapagamot sa ospital hangga’t maari sapagkat hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas at itinuturing na best practice ang pagkakaroon nito upang hindi na dumagdag sa mga gastusin na hindi naman napaghandaan. Ang isang halimbawa pa ay ang tinatawag na fire insurance kung saan ay protektado ang iyong bahay o negosyo sa sakuna na dulot ng sunog. Ang insurance na sakop ng fire insurance ay magiging malaking tulong sakaling kailangang itaguyod muli ang negosyo.
Maraming insurance products din ang pwedeng bilhin ng tingi – kada araw o kada buwan ang bayad na magiging mas madali para sa karaniwang Juan na makuha at bagkus, mapanatag ang loob. Marami sa mga ito ay available na sa mga apps na karaniwang ginagamit natin araw araw sa mga transaksyong pinansyal.
Mainam na magkaroon ng pag-uugaling maagap mas lalo na sa mga sitwasyong hindi kanais nais nang sa gayon ay mayroon tayong proteksyon, kahit papano. Ito ang hangarin ng mga insurance products – ang matulungan ang bawat Pilipino na maitawid ang buhay, kabuhayan at iba pang mga pag-aari, gaano man kalaki o kaliit, sa mga pagkakataong maaari tayong kapusin o maubusan ng pambayad.
Sa panghuli, tingnan ang mga abot kayang insurance products na maaaring magbigay ng tulong sa katagalan. Iba rin ang himbing ng tulog sa taong protektado.
Ang may-akda ay Founder at CEO ng Hungry Workhorse, isang kumpanya na nagbibigay ng serbisyo ukol sa digital at culture transformation. Siya ay nagtuturo ng strategic management sa MBA Program ng De La Salle University. Ang may-akda ay maaring i-email sa [email protected]