(GAB naglatag ng 2 kondisyon) LISENSIYA NI ABUEVA IBABALIK NA

Calvin Abueva

NASA sariling mga kamay na ngayon ni Phoenix Fuel Masters forward Calvin Abueva ang pagbabalik sa kanyang professional basketball license.

Naglatag ang Games and Amusements Board (GAB) noong Biyernes ng dalawang kondisyon na kailangan niyang sundin bago niya mabawi ang kanyang lisensiya.

Sa isang statement, sinabi ni GAB Chairman Abraham Mitra na kailangang sumailalim ang star cager sa mandatory drug tests. Kailangan din niyang dumalo sa seminar sa Code of Conduct and Ethical Standards of a Professional Athlete at lumagda na susunod siya rito.

Ilang beses na aniyang humingi ng tawad si Abueva at nangakong hindi na gagawin ang mga pagkakamali niya.

“Calvin Abueva was remorseful in what he did and was sincere enough to accept his wrongdoings,” sabi ni Mitra.

Si Abueva ay kasalukuyang nasa loob ng  PBA ‘bubble’ sa Clark, Pampanga kasama ang kanyang teammates.

Subalit kailangan niyang mabawi ang kanyang professional license bago siya payagang maglaro sa pagpapatuloy ng 2020 PBA Philippine Cup, na magsisimula sa Oktubre 11 sa Angeles University Foundation gym sa Pampanga.

Noong Martes ay nakipagpulong si Abueva, kasama si Phoenix head coach Topex Robinson, sa mga opisyal ng GAB upang hilinging ibalik ang kanyang lisensiya.

Ang lisensiya ang una niyang hakbang bago siya pormal na makabalik sa PBA court.

Magugunitang binawian siya ng lisensiya makaraang patawan siya ng indefinite suspension ng PBA noong Hunyo 2019 matapos ang dalawang hiwalay na insidente.

Pinagmulta siya ng ₱70,000  — ₱20,000 para sa verbal altercation sa isang babaeng fan na kalaunan ay kinilalang girlfriend ni Bobby Ray Parks ng Blackwater, at ₱50,000 dahil sa flagrant foul 2 laban kay Terrence Jones ng TNT KaTropa.

Comments are closed.