GABAY PARA SA MECQ

PUSONG PANALO

NASA ilalim ulit  ng Modified Enhanced Community Quaran­tine (MECQ) ang NCR, Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal mula ika-4 hanggang ika-18 ng Agosto.

Ito ay bunsod ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng CO­VID-19 sa nasabing mga lugar. Hiniling ng ating mga health worker na higpitan muli ang pagkilos ng tao dahil malapit nang mapuno ang mga ospital at kailangan din nilang magkaroon ng timeout o pahinga. Marami na sa mga healthworker  sa Filipinas ang nagkakasakit at namamatay dahil sa pandemya.

Nais kong ibahagi ang ilan sa  guidelines sa ilalim ng MECQ upang magsilbing gabay para sa aking mga mambabasa. Una sa lahat, istriktong ipatutupad ang pamamalagi sa bahay, lalo na ang mga may edad hanggang 21 at ang mga 60 pataas. Ang mga may sakit, buntis, at mga taong nani­nirahan kasama nila ay kailangan ding manatili lamang sa bahay.

Papayagan lamang ang paglabas kung may mahalagang gagawin kagaya ng pagbili ng pagkain o gamot, o ang pagpasok sa trabaho na pinapayagang magbukas sa ilalim ng MECQ. Kailangang magdala ng quarantine pass at ID tuwing lalabas ng bahay.

Ipinagbabawal ang pagtitipon ng mara­ming tao kagaya ng mga pulong, party o reu­nion, sports activities, mga selebrasyon, at iba pang mga aktibidad na may maraming tao. Ang mga pagtitipong panrelihiyon ay pinapayagan para lamang sa 5 katao pababa, na may social distancing.

Sa ilalim ng MECQ, hinto na rin muna ang pampublikong transportasyon kagaya ng mga bus, jeep, taxi, TNVS, LRT, MRT, at PNR. Ang mga traysikel ay maaaring payagan kung may permiso ng DILG o LGU.

Ang mga pribadong sasakyan at mga company shuttle o point-to-point buses para sa mga frontliner at mang­gagawa sa mga industriyang pinapayagang magbukas ay puwedeng  bumiyahe  ngunit kailangang sumunod sa mga tagubilin ng DOTr. Hinihikayat ang lahat na gumamit ng bisikleta o mga transportasyong hindi demotor. Isang tao lamang ang pinapayagang sumakay sa mga bisikleta, motorsiklo, at scooter.

(Itutuloy)

Comments are closed.