NAGLABAS na ang pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) ng mga gabay at panuntunan para sa pagkuha ng gun ban exemption, kaugnay ng pagpapatupad nila ng gun ban, para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa sandaling sumapit ang election period, na magsisimula sa Enero 13, 2019, ay sisimulan na rin nila ang pagpapairal ng gun ban sa bansa.
Sa panahon ng gun ban, mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang pagbibitbit, pagdadala, at pagbibiyahe ng anumang uri ng armas, at iba pang nakamamatay na sandata sa labas ng tahanan at business place.
May ilang kuwalipikadong mamamayan at entities naman na maaaring kumuha ng gun ban exemption, sa pamamagitan nang pag-aaplay ng Certificate of Authority (CA) sa Comelec, sa kanilang Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP), alinsunod sa Comelec Resolution No. 10446.
Sinabi ni Jimenez na ang application forms at requirements para sa pag-iisyu ng CA, ay dapat na isumite sa CBFSP Office, na matatagpuan sa punong tanggapan ng Comelec sa Palacio Gobernador sa Intramuros, Manila, simula Disyembre 1, 2018 hanggang Mayo 29, 2019.
Ipinaalala naman ni Jimenez na kung walang CA, ang anumang permit to carry firearm/s outside residence (PTCFOR) o sa labas ng kanilang business place, ay kanselado at walang bisa sa panahon ng election period.
“Unless properly covered by a CA, any permit to carry firearm/s outside one’s residence or place of business will be ineffective and without force and effect during the Election Period,” ayon sa Comelec.
Ipinaalala na rin ng Comelec na sa nasabing panahon, ipinagbabawal rin nila ang pag-employ, pag-avail, at pagkuha ng serbisyo ng mga security personnel o bodyguards, gayundin ang pagbibiyahe, pagdedeliber ng mga armas, at maging mga bahagi at bala nito, mga pampasabog at mga bahagi nito, maliban na lamang kung awtorisado ito ng Comelec, sa pamamagitan ng CBFSP.
Nagbabala ang Comelec na ang paglabag sa naturang mga prohibited acts ay may katumbas na election offense, na salig sa Section 261 ng Omnibus Election Code.
Ang election period ay inaasahang magtatapos sa Hunyo 12, 2019, at sa nasabing panahon ay aalisin na rin ng Comelec ang gun ban. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.