GABAY SA RELEASE NG PONDO INILABAS NG DBM

NAGLABAS ang Department of Budget and Management (DBM) ng mga bagong alituntunin sa pagpapalabas at paggamit ng Local Government Support Fund – Financial Assistance sa Local Government Units at Support for Capital Outlays and Social Programs (LGSF-FA to LGUs) sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).

Ito ay sa ilalim ng Local Budget Circular No. 150 na may petsang Marso 8, 2023 na nilagdaan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman.

“In support of the Marcos Jr. administration’s 10-point priority agenda, the DBM continues to adopt measures that will effectively implement digital transformation and ease of doing business. We are fully embracing digitalization in the DBM, including the submission of request for financial assistance under the Local Government Support Fund,” ayon kay Pangandaman.

Umaasa ang Kalihim na ang bagong gabay ay makatutulong para mapadali ang proseso para sa pag-request ng pondo ng ating mga LGU para sa kanilang ibat ibang programa at proyekto.

Alinsunod sa mga bagong alituntunin, ang pagsusumite ng mga kahilingan para sa tulong pinansyal, na sisingilin laban sa LGSF-FA sa mga LGU ay gagawin lamang sa pamamagitan ng Digital Requests Submission for Local Government Support Fund (DRSL) na makikita sa DBM Apps Portal.

Lahat ng mga dokumentong isinumite ng LGU sa pamamagitan ng ibang paraan ay awtomatikong tatanggihan.

Ang mga DBM Regional Office o ang susunod na mas mataas na antas ng LGU ay maaaring magbigay ng tulong sa humihiling na LGU kung sakaling magkaroon ng kahirapan sa pag-access sa DSRL dahil sa iba’t ibang dahilan, tulad ng geographical na lokasyon, device, o mga problema sa internet connection.

“To prevent scammers, middlemen, fraudulent individuals or organized groups from making representations that they are able to influence or facilitate the release of the LGSF-FA to LGUs, the DBM shall directly deal only with the local chief executive of the LGU concerned.” nakasaad pa sa circular.

“Ginagawa po nating mas direct, convenient, and secured ang pag-request ng mga LGUs ng financial assistance para sa infrastructure projects at social programs sa DBM. With this initiative, sa official DRSL portal lang po magre-receive ng request ang DBM, at tanging mga local chief executive lamang ang bibigyan natin ng access sa portal na ito,” ani Pangandaman.

Aniya, iniiwasan na maging source of corruption ang proseso para sa kahilingan at pagpapalabas ng mga pondo mula sa LGSF kaya hindi muna papayagan ang pagkakaroon ng middlemen na aniya’y kadalasang pinagmumulan ng panloloko at korupsyon.

“Nangangailangan na nga ‘yung mga LGU, lalo pa silang nababaon dahil sa panloloko ng mga scammers. These things, we want to avoid and eradicate,” diin ni Pangandaman.

Alinsunod sa Special Provision (SP) ng LGSF sa ilalim ng 2023 GAA, ang halagang angkop para sa LGSF-FA ay kinabibilangan ng P1,925,500,000 para sa tulong pinansyal sa mga LGU at P7, 236,336,000 para sa suporta para sa mga capital outlay at mga programang panlipunan sa mga LGU.

Ang inilaang pondo ay bilang suporta sa pagpapatupad ng mga programa at proyektong may kaugnayan sa agrikultura; Information and Communications Technology systems at pagpapaunlad ng impraestruktura; konstruksyon, maintenance, development and rehabilitation ng iba’t ibang proyekto, gaya ng green open spaces, impraestruktura para sa active mobility, elevated o at grade pedestrian footpaths at walkways gayundin ang mga multi-purpose building.

Susuportahan din nito ang pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad para sa pagtugon sa kalamidad, rehabilitasyon, at pagbawi; pagkuha ng mga site ng paaralan; pagbili ng ambulansya, mga trak, o mga mini-dump truck; at tulong sa mga indigent na indibidwal ng mga pamilya.

Ang Circular ay magkakabisa 15 araw pagkatapos itong mailathala. Samantala, ang LGSF-FA sa mga LGU ay maaari lamang gamitin hanggang Disyembre 31, 2024. EVELYN QUIROZ