BIBIGYANG-PARANGAL ang Olympic heroes at top sports achievers sa taunang pagdaraos ng San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night ngayong Lunes, Marso 14, sa Diamond ballroom ng Diamond Hotel.
Pangungunahan ni Olympic gold medal winner Hidilyn Diaz ang mga awardee kung saan igagawad sa kanya ang coveted Athlete of the Year award ng pinakamatandang media organization sa bansa sa special two-hour affair na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at Cignal TV.
Magsisimula ang programa sa alas-7:30 ng gabi kung saan magiging hosts sina veteran broadcaster Sev Sarmenta at dating courtside reporter at ngayo’y news anchor Rizza Diaz.
Ang 31-year-old weightlifter mula Zamboanga City ang nagbigay ng isa sa ‘greatest moments’ sa kasaysayan ng Philippine sports noong nakaraang taon nang ipagkaloob niya sa bansa ang kauna-unahang gold medal nito sa Olympics nang magwagi sa women’s 55 kg class ng Tokyo Olympiad.
Ito ang ikatlong pagkakataon sa nakalipas na anim na taon na kikilalanin ng local sportswriting community si Diaz sa pagkakaloob ng pinakamataas na individual award makaraang una niya itong makopo noong 2016 (silver medal sa Rio Olympics) at pagkalipas ng dalawang taon noong 2018 (gold medal, Jakarta Asian Games).
Bukod kay Diaz, ang 39-man awardees ay kinabibilangan din ng medalists at participants sa Tokyo Olympics at Paralympics, na kikilalanin sa traditional gala night na supotado rin ng MILO (official choco milk), 1Pacman, Philippine Basketball Association (PBA), Philracom, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, MVP Sports Foundation, at Smart.
Ang lahat ng awardees, officials, guests, at PSA members ay pinaaalalahanan na dalhin ang kanilang vaccination card para makapasok sa venue bilang bahagi ng health and safety protocols ng hotel.
Dalawa sa kasalukuyang world champions ng bansa — golfer Yuka Saso at gymnast Carlos Yulo — ang kikilalanin din bilang recipients ng President’s Award na igagawad ni PSA prexy Rey C. Lachica, sports editor ng Tempo.
Samantala, pangungunahan nina Olympic silver medalists Carlo Paalam at Nesthy Petecio at bronze winner Eumir Marcial ang anim na iba pang achievers na gagawaran ng Major Awards na kinabibilangan din nina billiards champion Carlo Biado, pole vaulter EJ Obiena, grand slam winner Alex Eala, at boxing champions Nonito Donaire Jr., Jerwin Ancajas, at Johnriel Casimero.
Ipagkakaloob din ang Lifetime Achievement Award sa dalawang living legends ng local basketball, sa katauhan nina contemporaries at dating teammates Robert Jaworski Sr. at Ramon Fernandez.
Ang National Sports Association (NSA) of the Year ay igagawad naman sa Samahang Weightlifting ng Pilipinas at sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP).
Papagitna rin ang top two Philippine sports officials — POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino at PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez. Tolentino — bilang top choice para sa Executive of the Year at Excellence in Leadership Award, ayon sa pagkakasunod.
Marami pang awards mula sa Chooks To Go at MILO ang ipagkakaloob sa annual affair. Si Marcial ay napiling Chooks To Go Fan Favorite ‘Manok Ng Bayan’ awardee, habang tatanggapin ni Diaz ang kauna-unahang MILO Champion of Grit and Glory Award.
Bibigyan naman ng citations sina Olympians Margielyn Didal (skateboard), Irish Magno (boxing), Bianca Pagdanganan (golf), Juvic Pagunsan (golf), Elreen Ando (weightlifting), Kristina Knott (athletics), Remedy Rule (swimming), Luke Gebbie (swimming), Kiyomi Watanabe (judo), Cris Nievarez (rowing), Kurt Barbosa (taekwondo), and Jayson Valdez (shooting), Paralympians Jerrold Mangliwan (wheelchair racing), Ernie Gawilan (swimming), Gary Bejino (swimming), Allain Ganapin (taekwondo), Jeanette Aceveda (athletics), at Achelle Guion (powerlifting), kasama si Asian weightlifting double gold winner Vanessa Sarno.
Bahagi rin ng programa ang short prayer at tribute sa lahat ng atleta, opisyal, at kaibigan ng Philippine sports na sumakabilang-buhay noong nakaraang taon.