GADON: LENI MEETS FB OFFICIALS (Upang baklasin ang accounts ng UniTeam?)

“KUMPIRMADO na nakipagpulong ang kampo ng isang presidential aspirant sa mga opisyal ng social media platform na Facebook para baklasin ang FB accounts ng supporters ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na malalaki ang following,” ito ang pahayag ng abogadong si Larry Gadon.

Isiniwalat ni Gadon na mismong taga-loob ng FB Philippines ang nagtimbre sa kanya na umano’y nakipagpulong si Leni Robredo kina Chris Kuzhuppily, Philippine public policy manager ng FB; Roy Tan, politics and government outreach manager for Asia Pacific; at Kylie Mooney, government, politics and advocacy partner manager hinggil sa umano’y hindi mapigil na pagkahumaling ng milyon-milyong FB users kay Bongbong Marcos.

Si Gadon, na kumakandidato sa pagka-senador ngayong 2022 election, ay isa ring masugid na sumusubaybay ng mga kaganapan sa pulitika sa pamamagitan ng Facebook na kung saan mismong ang kanyang FB page ay tumatabo ng mahigit kalahating milyong views.

“Ito ang nakakatakot dahil lahat ng mga Facebook account na sumusuporta sa UniTeam ni Bongbong Marcos at Inday Sara ay posibleng ma-suspend o mabaklas nang tuluyan dahil sa pag-uudyok ng kampo ni Leni gamit ang kathang-isip na akusasyon,” ani Gadon.

Dagdag niya:”Dahil sa dami ng bilang ng mga taga-suporta ng UniTeam via Facebook ay nais ng kampo ni Leni na burahin na rin ang FB pages ng supporters nina Bongbong at Inday, ‘tulad ng ginawa nila sa Twitter accounts ng BBM supporters na sinasabing kanila ring ipasuspinde.”

“Ginawa na nila ‘yan sa Twitter. At ayon sa ipinarating sa akin ng aking kaibigan na nasa loob ng FB Phils. ay ang isinusunod nila ang Facebook pages ng aming mga taga-suporta,” dagdag ni Gadon.

Kanyang ibinahagi ang isang talata ng text message mula sa kanyang kabigang bahagi umano ng FB Phils management team: “Leni team had a meeting with our senior officials, including Philippine public policy manager Chris Kuzhuppilly, head of politics and government outreach Roy Tan and Kylie Mooney. They plan to suspend massive BBM supporters’ accounts one week before campaign period starts. A middle man helping Leni’s team reach to FB is closely connected with US.”

Pilit umanong pinapalabas ng kampo ni Leni na mga peke o hindi lehitimo ang FB pages ng milyon-milyong supporters ng UniTeam.

Kinumpirma rin ni Gadon mula sa ipinarating sa kanyang ulat na isang tagapamagitan o middle-man na kilalang may koneksiyon sa Estados Unidos ang tumutulong sa kampo ni Leni upang makipag-usap sa pamunuan ng FB.

Sinikap ng PILIPINO Mirror na makuha ang panig ng kampo ni Leni Robredo at ng mga taga-Facebook Phils. pero hindi pa sila makontak habang isinusulat ang balitang ito.