SAMA-SAMANG umapela sina Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon, Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis, Jr. at iba pang labor federations sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maglabas ng final report kaugnay ng nakabinbing reclamation project sa Manila waterfront.
Sa ginanap na weekly forum, sinabi ni Gadon na hindi malinaw ang umano’y violation na sinasabi ng DENR kung bakit pinatigil ang proyekto kung kayat nakakapanghinayang ang proyekto ng pamahalaan na malaking tulong sana para magkaroon ng daan libong trabaho at bilyong pisong buwis sa pamahalaan.
Ganito rin ang reaksyon ni Ortiz-Luis na aniyay dapat ng tugunan ng DENR ang isyu at masolusyunan upang magtiwala ang mga mamumuhunan sa bansa.
Aniya, patuloy ang paghikayat ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa abroad para makahatak ng foreign investors sa Pilipinas upang maiangat ang kabuhayan sa bansa.
Matatandaang sinuspinde ni PBBM ang reclamation project na may 318 hectares base sa rekomendasyon ng DENR bunsod ng umano’y potential violation ng nasabing proyekto.
Nilinaw naman ni Gadon na sinusuportahan niya ang ginawang desisyon ng Pangulo kasunod ang panawagan nito sa DENR na tukuyin na kung anong violation ng proyekto upang maitama ng proponents kung anuman ang mali sa project dahilan sa hindi magandang tignan ang nakatiwangwang na proyekto.
Sinusugan din ito ni United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) president RJ Javellana at iba pang workers federation dahilan sa marami sanang oportunidad at benepisyo sa Pilipinas ang maidudulot oras na matuloy ang pagsasakatuparan ng reclamation project sa Manila Bay.
Napag-alamang mula sa 318 hectares, ay nasa 51 porsiyento o 160 hectares na reclaimed area ay napunta sa gobyerno kung kayat malaki sanang benepisyo ang hatid ng reclamation project.
Bukod pa rito, makakahatak pa aniya ng turista ang proyekto at bilyong buwis ang makokolekta ng pamahalaan.
Idinagdag pa ni Gadon na kayat nilagdaan ni PBBM ang “Trabaho para sa Bayan Act,” upang magbigay ng maraming trabaho bilang solusyon sa kahirapan.
“The Marcos administration is aware that the best solution to poverty alleviation is job generation, hence the passage of the “Trabaho para sa Bayan Act,” saad pa ni Gadon.
BENEDICT ABAYGAR, JR.