GAGAMIT NG PEKENG DRIVER’S LICENSE, BINALAAN NG I-ACT

FAKE DRIVER'S LICENSE

QUEZON CITY – NAGBABALA ang Inter-Agency Council for Traffic sa lahat ng motorista na ­maaaring maharap sila sa kasong kriminal sa paggamit ng pekeng dri­ver’s license.

Ang babala ay inihayag ni Department of Transportation Undersecretary Tim Orbos matapos na ang isang motorista na nakilalang si Alexander Salvador na nagmamaneho ng isang Nissan Urban na classified bilang “for hire” ay mahuli sa paglabag sa batas trapiko sa may Quezon City.

Base sa report, nagsagawa ng operasyon ang I-ACT sa may area ng Quezon City at namataan nila ang isang Nissan Urvan na minamaneho ni Salvador.

Sinita nila ito dahil sa paglabag sa batas trapiko at kanilang tiningnan ang lisensiya subalit nagduda ang mga operatiba ng I-ACT na peke ang driver’s license nito.

Upang makasiguro pinaberipika ito sa deputized enforcer ng  Land Transportation Office at dito napag-alamang peke ang pinakita nitong lisensiya.

Matapos na maberika na peke ang driver’s license nito  ay sinampahan ng I-ACT ng reklamo sa LTO, National Capital Region (NCR) ang naturang driver dahil sa paglabag sa Section 31 ng  Republic Act 4136  (Land Transportation and Traffic Code).

Dahil dito ay nagbigay babala si Orbos na mahaharap sa kasong kriminal at revocation ng lisensiya ang sasapitin ng motoristang gumagamit ng pekeng driver’s license.   MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.