(Gagamitin ng militar) MAS MALAKAS NA PUWERSA VS TEVES TERROR GROUP

GAGAMIT ng mas malakas na puwersa ang militar sa mga sinasabing armadong grupo sa Negros Oriental na ideklarang terorista na pinamumunuan ni Congressman Arnulfo Teves .

Ayon kay Lt Gen Benedict Arevalo, commander ng Visayas Command (VISCOM), makakatulong sa kanilang law enforcement operation ang ginawang pagdedeklara ng Anti-Terrorism Council na isang terrorist group sina Cong.Teves at kapatid nitong si Pryde Teves at sampung iba pa.

Inihayag ni Arevalo na maaari na nilang pakilusin ang kanilang counter terrorism units para madakip at madisramahan ang Teves Terror Group.

Aniya, mahalaga rin umanong mapabilis ang operation ng militar sa pagbuwag sa mga armadong grupo dahil na rin sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan election.

Mapapalakas din umano ng ATC resolution ang kampanya ng militar para sa normalisasyon at pagpapanatili ng peace and order situation sa lalawigan.

Nilinaw ng opisyal na hindi naman gaanong malaki ang grupo nina Teves subalit kailangan mabuwag ito at masupil ang pagkalat ng illegal firearms.

Kaugnay nito, inihayag ni Arevalo na tuloy tuloy ang ginagawang pagkilos ng Joint Task Force Negros na mas kilala ngayon bilang Task Force Degamo na pinamumunuan ni Army 3rd Infantry Division Maj. Gen Sison katuwang ang Philippine National Police .
VERLIN RUIZ