(Gagamitin sa SEA Games) PSC BUMILI NG MGA BANGKA SA CHINA, HUNGARY

Ph Dragon Boat

BUMILI ang Philippine Dragon Boat/Canoe Kayak ng 16 na maliliiit na bangka at 10 malalaking bangka sa China at Hungary para gamitin sa 30th Southeast Asian Games.

Ayon kay coach Len Escollante, dara­ting ang mga bangka sa Setyembre at gagamiitin ang mga ito ng mga aleta sa SEA Games sa lahat na water sports na gagawin sa Subic Freeport Zone.

“Kailangan bago ang gamit natin para may laban at lumakas ang tsansa na  manalo,” sabi ni Escollante sa panayam sa tanggapan ni PSC Commissioner Celia Kiram.

Ang canoe kayak ay nasa cluster ni Com. Kiram, kasama ang badminton, lawn  tennis, squash, soft tennis, ice hockey, skating, dance sports, gymnastics, at triathlon.

Hinati-hati ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang lahat ng sports na nasa ilalim ng Philippine Olympic Committee (POC) at tinutulungan ng PSC sa apat na commissioners para matutukan ang mga ito nang husto at agad na mabigyan ng tulong pinansiyal.

May bentahe ang mga Pinoy dahil kabisado nila ang kondisyon sa Subic.

“We will exploit to full use our advantage to win the gold,” wika ng dating national volleyball player turned canoe kayak coach.

Bukod sa canoe/kayak at dragon boat, ang iba pang water sports ay traditional boat race, sailing, at windsurfing. CLYDE MARIANO