PITONG railway projects sa Metro Manila ang inaasahang magiging operational na sa susunod na apat na taon.
Ang naturang mga proyekto ay makatutulong para makasabay ang Filipinas sa mga kasamahan nito sa South-east Asia.
Sa isang virtual forum, sinabi ni John Forbes, senior adviser ng American Chamber of Commerce of the Philippines, na pagdating sa metro rail system, ang Filipinas ay malayo pa rin sa ibang bansa sa Southeast Asia kung saan mayroon lamang itong apat na railways na gumagana na may 73 stations, kumpara sa Thailand, Malaysia, Indonesia at Singapore na may lima, siyam, pito at walong railways at 91, 194, 87 at 161 stations, ayon sa pagka-kasunod-sunod.
Inaasahang dadagdagan ng pamahalaan ang bilang ng mga istasyon na mula 73 ay magiging 143 sa susunod na apat na taon sa sandaling matapos ang pitong proyekto.
Ang naturang mga proyekto ay kinabibilangan ng Philippine National Railways (PNR) North Commuter Rail, Light Rail Transit (LRT) line 1 Extension to Cavite project, LRT-2 East Extension, Metro Rail Transit (MRT) line 7, Metro Manila Subway, PNR South Commuter Rail at Unified Grand Central Station.
Tatlong proyekto ang matatapos na ngayong taon — LRT-2 East Extension, common station at PNR North Commuter Rail.
Ang MRT-7 at LRT-1 ay target namang matapos sa 2022, habang ang PNR South Commuter Rail ay sa 2023 at ang Metro Manila Subway ay sa 2025.
Bukod sa nabanggit na mga proyekto, ang gobyerno ay may walo pang binubuong rail projects, kabilang ang Mindanao rail network.
Comments are closed.