GAGATE TOP PICK SA PVL ROOKIE DRAFT?

SI THEA Gagate, ang presumptive top overall pick sa inaugural PVL Rookie Draft, sa Combine. PVL PHOTO

MAITATALA ang kasaysayan sa pagpili ng ZUS Coffee, dating Strong Group Athletics, sa kauna-unahang No. 1 pick sa  Premier Volleyball League Rookie Draft ngayong gabi sa  Novotel sa Quezon City.

Inaasahang kukunin ng Thunderbelles si middle blocker Thea Gagate bilang top overall selection sa talent-rich pool ng 47 aspirants.

Nagpahayag kamakailan si coach Jerry Yee ng interes na kunin si Gagate makaraang makuha ng ZUS Coffee ang karapatan para sa No. 1 selection sa draft lottery.

“Consensus naman ‘yun kung sinong number one diyan kasi mas kailangan mo ‘yun e. Height, mobility,” pahayag ni Yee sa  PVL Combine.

Ang Reinforced Conference, na magsisimula sa July 16, ay malapit na at ang mga player na mapipili sa rookie draft at kalaunan ay papipirmahin ng kontrata ay may isang linggo para maka-blend sa mother club na pipili sa kanila.

Target ng Capital1, ang nagmamay-ari ng second pick, na kumuha ng maaasahang open spiker upang maging cornerstone ng koponan, habang posibleng piliin ng Galeries Tower ang best available talent upang punan ang mga butas sa kanilang  roster.

“Mas priority ko ‘yung papalo, kasi kapag kumuha ako ng setter, mababangko lang kasi iba ‘yung experience ni Iris (Tolenada) eh. Sayang naman kung kukuha ako (ng setter) tapos mabe-bench lang. Gusto ko ‘yung kukunin ko, mapapakinabangan ko na, mapapasok ko na sa team. First six na namin, ayun ang plano ko,” sabi ni Capital1 coach Roger Gorayeb.

Para sa Highrisers, sinabi ni Godfrey Okumu, ang top assistant ni Lerma Giron, na: “We’re looking for a middle player because we just lost one. We also need an outside spiker and a third setter since we only have two.”

Tinatarget naman ng Farm Fresh, tangan ang fourth pick, sina Lady Spikers stars Gagate at Leila Cruz, sakaling maging available pa sila.

“To be honest, we’re in a tough spot but we’re very grateful for the fourth pick. Honestly, we are also quite confused right now given the pool of talents available. We will discuss it further with upper management,” sabi ni  team manager Kiara Cruz.

Ang iba pang potential first-round picks ay kinabibilangan nina Julia Coronel, college at Alas Pilipinas teammate ni Gagate; Maica Larroza; Roma Mae Doromal; Ishie Lalongisip; Pierre Abellana; Fil-Canadians Nathalie Ramacula; at  Aleiah Torres.

Ang  Nxled ang ika-5 pipili, kasunod ang Akari (6th), Cignal (7th), PLDT (8th), Chery Tiggo (9th), PetroGazz (10th), Choco Mucho (11th), at Creamline (12th).