PINAGHAHANDAAN na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Health (DOH) ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga namamatay sa sakit na 2019 novel coronavirus (nCoV) na naging dahilan para ideklara ng World Health Organization (WHO) na isang International Health Emergency.
Kabilang sa paghahanda ay kung sakaling mapagpasyahang pauwiin na ang mga Filipino na nasa mga nCov infected countries partikular na ang China.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na siya rin chairman ng NDRRMC na pinag-aaralan nila ng DOH na gawing quarantine area ang isang isla na nasa Manila Bay at isang Drug Rehabilitation Center sa Nueva Ecija.
“The DOH is looking at the naval station at Caballo Island and the Ft Magsaysay Drug Drug Rehab Center in Nueva Ecija as possible quarantine area for returning OFWs from Wuhan,” ani Lorenzana.
Ayon sa kalihim binisita na ng mga opisyales ng DOH ang Caballo noong Huwebes at bibisitahin din nila ang nasabing rehab center sa Ft Mag-saysay .
Kaugnay nito, inihayag naman ni Philippine Hospital Association (PHA) spokesman Dr. Bu Castro na handa rin ang local hospitals na tugunan ang kaso ng nCoV na pinangangambahang lumala pa.
Gayundin, kamakailan ay inihayag ni Heath Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang planong repatriation ng mga Filipino sa Wuhan na sinasabing pinagmulan ng 2019-nCoV.
“We cannot hamper the desire of our people in Wuhan to come home. What we should do is to facilitate it, but subject to the quarantine measures that they should go under, and that’s for 14 days,” giit ni Duque.
Nabatid na puspusan din ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Filipinas sa mga Pinoy na apektado ng nasabing virus para maibigay kung anuman ang pangangailangan nila.
Sinasabing hirap na rin ang may 150 Pinoy na nasa Wuhan dahil mistulang ghost town na ang lugar at nakararanas na ngayon ng kakulangan sa pagkain dahil natatakot ng magsipaglabasan ang mga tao at maraming tindahan ang sarado.
Dahil dito, handa ang embahada na magpadala ng tulong sa mga Pinoy na nasa Wuhan sa pamamagitan ng consulate office sa Shanghai. VERLIN RUIZ
Comments are closed.