NAIS ni Kabayan partylist Rep. Ron Salo na maituring na regular na kawani ng pamahalaan ang mga opisyal ng barangay kung saan ay bibigyan sila ng mataas na sahod at iba’t ibang benepisyo.
Sa kanyang iniakdang House Bill 669 o ang ‘Barangay Officials Salary and Benefits Act’, binigyan-diin ng mambabatas na may malaking papel na ginagampanan ang mga opisyal ng barangay at bilang ‘basic political unit’ ay silang nagpaplano at nagpapatupad ng mga mabubuting programa para sa kani-kanilang nasasakupan.
“Barangay officials are deemed persons in authority in their respective barangays and are mandated to maintain public order and ensure the protection of life, liberty and property in their jurisdictions,” dagdag pa ni Salo.
Kaya naman marapat lamang, aniya, na pagtuunan ng pansin ng estado ang katayuan ng mga ito, lalo na sa aspeto na pagtataguyod sa sarili nilang pamilya, partikular ang pagkakaroon ng sapat at regular na pinagkakakitaan.
Ayon kay Salo, nakalulungkot isipin na maraming barangay chairman ang tumatanggap lamang ng P1,000 na honorarium at P600 naman kada buwan sa hanay ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay.
Noong 1996, nabatid ng Department of Budget and Management (DBM) na masaklap na kalagayan na ito ng mga barangay official dahilan para itakda ng ahensiya ang pagkakaroon ng Salary Gare 14 na sahod para sa mga kapitan at Salary Grade 10 naman sa iba pang opisyal ng barangay.
Para maresolba ito, sa ilalim ng kanyang isinusulong na panukalang batas ay idedeklarang regular government employees ang lahat ng punong barangay, barangay councilor, barangay secretary at barangay treasurer at inaatasan ang mga city o municipality government na maglaan ng kaukulang pondo para sa sahod at iba pang benepisyo ng mga ito.
Nakasaad sa HB 669 na ang barangay captains ay mapapasailalim sa Salary Grade 15 na may P30,000 na monthly salary; ang council members naman ay Salary Grade 12, o katumbas na P22,000 kada buwan; at ang barangay secretaries at barangay treasurers ay saklaw ng Salary Grade 10, na nasa P19,000 naman. ROMER R. BUTUYAN