GALING NG PINOY SA NATIONAL TRADE FAIR

NAGING matagumpay ang idinaos na National Trade Fair sa Megatrade Halls sa SM Megamall sa Mandaluyong City simula Agosto 23 hanggang ngayong araw.

Inorganisa ng Department of Trade and Industry (DTI) – Bureau of Domestic Trade Promotion (BDTP), nagbukas ang 2023 National Trade Fair sa nitong Agosto 23.

Mahigit sa 250 exhibitors mula sa 16 na rehiyon ng bansa ang nagpamalas ng produktong tulad ng mga inukit na kahoy, muwebles at kasangkapan, woodcrafts, metalcrafts at leathercrafts, palamuti sa bahay, gamit sa bahay, damit na gawa sa mga katutubong tela, moderno at tradisyonal na pormal na kasuotan.

Tampok din ang mga accessory at wearable na gawa sa eco-friendly na materyales, bags, relo at mga souvenir item, holiday decor, mga produktong pangkalusugan, virgin coconut oil at marami pang iba.

“Ang 2023 National Trade Fair ay hindi lamang isang shopping event; ito ay isang pagdiriwang ng Filipino craftsmanship at ingenuity,” sabi ni BDTP Director Marievic Bonoan. “Ang aming fair ay isang magandang pagkakataon para sa mga mamimili ng maagang Pasko upang mahanap ang perpektong regalo para sa kanilang mga mahal sa buhay.”